‘Splash Brothers’, umeksena sa Warriors; Suns at Jazz, nakamamangha ang panalo.

NEW YORK (AP) – Nagbalik ang wisyo ng Golden State Warriors, sa pangunguna ni Stephen Curry na humataw ng 31 puntos, para maputol ang two-game losing skid sa pamamagitan ng 112-105 panalo kontra New York Knicks nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nag-ambag si Klay Thompson ng 29 puntos para makasalba ang Warriors sa unang pagkakataon mula nang mawala ni Kevin Durant sa knee injury sa laro laban sa Washington Wizards.

Hataw si Curry sa naisalpak na limang 3-pointer para lagpasan ang nagretiro nang si Chauncey Billups sa ika-10 puwesto sa NBA-all-time three-point list. Kumana rin siya ng walong rebound at anim na assist.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna si Derrick Rose sa Knicks na may 28 puntos, habang kumana si Kristaps Porzingis ng 24 puntos at 15 rebound.

SUNS 109, CELTICS 106

Sa Phoenix, naisalpak ni rookie Tyler Ulis ang three-pointer sa buzzer matapos ang turnover ng Boston para sa nakamamanghang panalo.

Naitabala ni Suns' guard Eric Bledsoe ang iskor sa 106 mula sa reverse layup may apat na segundo ang nalalabi sa laro.

Sa inbound play ng Boston, nasundot ni Marquese Chris ang bola kay Isaiah Thomas, nanguna sa Celtics sa naiskor na 35 puntos, at kaagad na pinulot ni Ulis na walang abog na ibinalibag ang bola na mahimalang pumasok bago ang huling buzzer.

Nagsalansan si Ulis ng career-best 20 puntos, habang kumubra si Bledsoe ng 28 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Suns ngayong season.

JAZZ 110, KINGS 109, OT

Sa Sacramento, California, naisalpak ni Rudy Gobert ang tipped-in mula sa mintis na tira ni George Hill para sandigan ang Utah Jazz sa makapigil-hiningang panalo kontra Kings.

Nakaabante ang Kings sa 109-108 mula sa dalawang free throw may 8.9 segundo sa extra period. Naunang idineklara ng referee na ‘goaltending’ ang tira ni Gobert, ngunit binaliktad din kalaunan matapos ang isinagawang review.

Kumubra si Gobert ng 16 puntos at 24 rebound, habang tumipa si Rodney Hood ng season-high 28 puntos at kumana si Gordon Hayward ng 23 puntos.

Nanguna si Ty Lawson sa naiskor na 19 puntos para sa Sacramento, bumagsak sa 1-4 mula nang ipamigay si All-Star DeMarcus Cousins sa New Orleans.

PACERS 97, HAWKS 96

Sa Atlanta, naisalpak ni Glenn Robinson III ang three-pointer may 0.6 segundo, para sandigan ang come-from-behind win ng Indiana Pacers kontra Hawks.

Kumana si Jeff Teague, naglaro sa unang pagkakataon sa Philips Arena, matapos mai-trade ng Hawks, ng 16 puntos at anim na assist.

Humakot si Tim Hardaway Jr. ng 24 puntos, habang nagtumpok si Paul Millsap ng 23 puntos at 10 rebound para sa Atlanta.

WIZARDS 115, MAGIC 114

Sa Washington, naitala ni Bojan Bogdanovic ang career-high walong three-pointer tungo sa kabuuang 27 puntos sa panalo ng Wizards kontra Orlando Magic.

Ratsada si Bradley Beal sa natipang 32 puntos, habang humarbat si John Wall ng 19 puntos at 10 assist para makausad sa ikatlong puwesto sa Eastern Conference standings.

Nanguna si Terrence Ross sa Magics sa nakuhang 20 puntos.