CEBU CITY – Nasa 700 public utility jeepney (PUJ) driver ang inaasahang makikibahagi sa malawakang transport strike bukas, na posibleng magdulot ng pagkaparalisa ng 80 porsiyento ng transportasyon sa Cebu City.

Ang nasabing bilang ng mga tsuper ay mga kasapi ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor (PISTON)-Cebu, bagamat hindi pa nakapagdedesisyon ang iba kung sasali o hindi sa tigil-pasada bukas.

Ayon kay Greg Perez, coordinator ng PISTON-Cebu, nagpasya silang sumali sa nationwide transport strike upang tutulan ang plano ng gobyerno na i-phaseout ang mga pampasaherong jeepney na mahigit 15 taon nang namamasada.

Sinabi ni Perez na 700 miyembro ng PISTON-Cebu ang lalahok sa tigil-pasada, na makaaapekto sa 80% ng transportasyon sa siyudad.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Magpupulong naman ngayong Linggo ang iba pang grupong transportasyon na Cebu Integrated Transport Cooperative (Citrasco), National Confederation of Transport Workers Union (NCTU) at Visayan United Drivers Transport Service upang pagdesisyunan kung sasali rin sa strike bukas.

Ayon kay Perez, dakong 4:00 ng umaga bukas sisimulan ang strike, na magtatapos bandang 3:00 ng hapon.

Samantala, tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Cebu City na hindi masyadong mapeperhuwisyo ng strike ang mga commuter sa pagpapakalat ng 12 Kaoshiung bus para isakay nang libre ang mga biyahero, ayon kay Francisco Ouano, operations chief ng Cebu City Transportation Office. (Mars W. Mosqueda, Jr.)