MULING nagbalik sa ibabaw ng lona si dating interim WBA super flyweight champion Drian “Gintong Kamao” Francisco upang magwagi kay dating world rated Mateo Handig nitong Sabado sa 10-round unanimous decision sa Makati Cinema Square sa Makati City.

Sa kanyang unang laban matapos matalo sa puntos noong 2015 kay WBA super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa sagupaan sa Las Vegas, Nevada, kumbinsidong tinalo ni Francisco si Handig sa junior featherweight bout.

“Dalawang laban puwede na akong humiling na rematch kay Rigondeaux,” sabi ni Francisco matapos ang laban. “Medyo may kalawang pa pero maganda ang kondisyon ko kaya tumagal ng 10 rounds.”

Aminado ang 34-anyos at tubong Mindoro Oriental na boksingero na puwede pa siyang maging world champion kung magsasanay nang maayos kaya aayusin ng manedyer niyang si Joven Jimenez na muli siyang maisalang sa mabibigat na laban sa United States.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa limang laban sa Mexico at US ay nanalo siya ng tatlong beses laban kina Mexican Juan Carlos Vargas ng Mexico (KO 1) at Javier Gallo (TKO 3), Manuel delos Reyes Herrera ng Colombia (KO 3) at natalo sa puntos kina Rigondeaux at one-time world title challenger Chris Avalos ng US.

May rekord ngayon si Francisco na 29-4-1 win-loss-draw na may 22 panalo sa knockouts at may panalo kina dating WBA light flyweight champion Roberto Vasquez ng Panama, at dating world rated boxers na sina Panamanian Ricardo Nunez, Duangpetch Kokietgym ng Thailand at mga Pilipinong dating world ranked na sina Michael Domingo at John Mark Apolinario. (Gilbert Espeña)