Tiniyak kahapon ni Senator Pafilo Lacson na tuloy ang imbestigasyon sa Davao Death Squad (DDS) matapos kumpirmahin nitong Lunes ng retiradong pulis-Davao na si SPO3 Arthur Lascañas na isa siya sa mga pinuno ng grupo, gaya ng binanggit ng miyembro at naunang testigo na si Edgar Matobato.
Ayon kay Lacson, inaalam na ng kanyang tanggapan kung kailan may bakanteng opisina para pagdausan ng pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate committee on public order and illegal drugs.
Ang desisyon ni Lacson ay taliwas sa pahayag ni Senator Richard Gordon, na nagsabing wala siyang nakikitang dahilan para buksang muli ang imbestigasyon sa usapin ng DDS.
“At the very least maimpormahan siya (Gordon) out of courtesy. But he cannot also override ang decision ng mayorya sa plenary, dahil walang nag-object kahapon nang nagkaroon ng referral. At the very least, ang bottom line is nasabihan siya,” paliwanag ni Lacson.
Ang imbestigasyon ni Lacson ay bilang pagtalima sa kahilingan ni Sen. Antonio Trillanes IV na silipin ang mga naging rebelasyon ni Lascañas.
Ang Senate committee on justice and human rights ni Gordon ang unang nagsagawa ng pagdinig sa usapin ng DDS, nang si Matobato naman ang mag-ugnay kay Duterte sa grupo. (Leonel M. Abasola)