NAGA CITY -- Bahagyang nayanig ang puwestuhan sa general individual classification sa penultimate stage ng 8th Le Tour de Filipinas kahapon mula Daet, Camarines Sur hanggang Naga City.

Bagama’t napanatili ng yellow jersey leader na si Daniel Whitehouse ang pamumuno, nagkaroon ng pagbabago sa top 10 kasunod ng 177.35 kilometrong Stage Three na pinangunahan ng Spanish rider Fernando Grualba na kumakatawan sa Kuwait Cartucho ES team.

Tinapos ni Grualba ang karera sa tiyempong 4:14:00 kasabay ang ilang siklistang kinabibilangan ng Filipino rider na si Rustom Lim ng 7-Eleven Sava RBP na nakatawid na pampito.

Kahit nakainan ng isang minuto at 27 segundo, nanatiling namumuno ang Teregganu rider na si Whitehouse.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pagkaraan ng tatlong yugto ng karerang inorganisa ng Ube Media Inc. at inihahatid ng Air21 sa pagtataguyod ng Petron at UPS kasama ng official airline carrier na Philippine Air Lines, nakatipon si Whitehouse ng 12 oras, 30 minuto at 54 na segundo, 23 segundo ang layo sa pumapangalawa na ngayong si Grualba at 24 na segundo naman sa pangatlo na ngayong si Benjamin Hill ng Attaque Gusto.

Buhat sa ikawalong puwesto, umangat din sa ika-6 at ngayo’y may layo na lamang 37 segundo kay Whitehouse ang dating kampeong si Lebas.

Nanatili namang Best Filipino rider si Galedo at pangatlo sa general team classification ang kanyang koponang 7-Eleven kasunod ng Team Ukyo at Kinan Cycling Team ng Japan.

Magtatapos ngayon ang karera sa pamamagitan ng mahigit 200 kilometrong lakbayin mula Naga City hanggang Lucena.

(Marivic Awitan)