Nanindigan kahapon si Senator Leila de Lima na itutuloy pa rin ang kanyang laban kontra sa extrajudicial killings (EJKs) at sa paglabag sa karapatang pantao kahit pa tuluyan na siyang makulong.

Dumalo kahapon si De Lima sa “Walk for Life” march ng iba’t ibang sektor sa Quirino Grandstand sa Maynila na inilunsad para tutulan ang muling pagbuhay sa parusang kamatayan at ang pagpapatuloy ng EJK, partikular laban sa mga hinihinalang sangkot sa droga.

“I’m here with the people because of our shared thoughts and opinion, and shared views, and shared convictions. For as long as I can, I will continue to fight. They cannot silence me,” sabi ni De Lima.

Pormal nang kinasuhan nitong Biyernes ng Department of Justice (DoJ) sa Muntinlupa City Regional Trial Court si De Lima ng tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, at inaasahang ilalabas ang arrest warrant laban sa senadora anumang araw ngayong linggo.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Muli namang iginiit ni De Lima na inosente siya sa mga alegasyong may kinalaman siya sa bentahan ng droga sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, at binigyang-diin na may personal na galit sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte simula nang imbestigahan niya ang Davao Death Squad (DDS) noong alkalde pa lamang ito ng Davao City.

“No other reason and also personal vendetta of the President. There’s no other reason because I’m innocent and not at all involved in the drug trade. So these are all trumped-up charges,” giit ni De Lima.

Una nang sinabi ni De Lima na handa siyang makulong, kasabay ng panalangin na sana ay hindi siya mapatay habang nakapiit, gaya ng sinapit ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na pinagbabaril sa loob ng selda nito.

ILEGAL!

Samantala, iginiit ng Liberal Party (LP) ng senadora na ilegal ang pagsasampa ng DoJ ng mga kaso laban kay De Lima sa isang korte.

Sa pinagsamang pahayag nina Senators Francis Pangilinan, Bam Aquino, Ralph Recto at Franklin Drilon, iginiit ng mga senador na dapat na sa Sandiganbayan isinampa ang mga kaso dahil ito ang may hurisdiksyon kay De Lima sapagkat ang mga alegasyon ay ginawa umano ng huli noong kalihim pa ito ng DoJ.

“Nais naming bigyang-diin na ang isang arestong base sa pinagtahi-tahing kasinungalingan ay ilegal. Dagdag pa rito ang kalawang-pagkakataon ni Senador De Lima na makapagsumite ng kanyang counter-affidavit kaya aming kinukuwestiyon ang anumang desisyon na inilabas ng Kagawaran ng Hustisya,” saad sa pinag-isang pahayag ng LP senators.

Iginiit din nilang mag-inhibit sa kaso si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II dahil ilang beses na itong nagbanta na makukulong si De Lima.

Nanindigan din ang mga senador na ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay De Lima ay magiging malinaw na paglabag sa mga prosesong legal at sa karapatan ng senadora sa due process, alinsunod sa batas. (LEONEL M. ABASOLA)