TATLONG linggo makaraang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte noong Hunyo 2016, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na 8,110 lulong at nagbebenta ng droga ang inaresto simula Mayo 10 hanggang Hulyo 10, habang 35,276 naman ang sumuko sa pulisya. Ito ay bukod pa sa napakaraming napatay sa mga operasyon ng pulisya.
Pagsapit ng Setyembre 2016, nasa 26,000 ang inaresto, habang 730,000 iba pa ang sumuko. Sa maraming bayan at siyudad sa iba’t ibang panig ng bansa ngayon, maraming piitan ang nag-uumapaw na sa mga arestado at sumukong adik. Kahit wala pang mga kaso ng ilegal na droga, nagsisiksikan na ang mga bilangguan sa bansa.
Ang espasyo ng piitan ay bahagi lamang ng problema. Sinabi ng isang gobernador na tambak na ang trabaho ng mga pulisya at korte. Hindi rin sapat ang dami ng mga piskal at hukom upang resolbahin ang daan-daang bagong kaso.
Matapos kumpletuhin ang mga dokumento, kailangang ayudahan ng mga lokal na pamahalaan ang mga bilanggo. Karamihan sa mga bayan ay walang nakahandang pondo para sa pagkain ng libu-libong bagong bilanggo. At paano naman ang pangangailangang isailalim sa rehabilitasyon ang mga lulong sa droga? Karagdagang gastos ito siyempre ay hindi saklaw ng ipinatutupad na budget.
Pagkatapos ng pinaigting na kampanya laban sa banta ng droga, tinututukan na ngayon ng administrasyong Duterte ang iba pang mga problema ng bansa. Ipinag-utos ng Pangulo kamakailan ang kampanya laban sa ilegal na sugal.
Sa kaaaprubang 2017 National Budget, may kabuuang P850 bilyon ang inilaan sa mga proyektong imprastruktura na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways at ng Department of Transportation. Ito ang sentro ng programa sa trabaho na layuning maibsan ang kahirapan sa bansa. Mayroong bilyun-bilyong piso pa na inilaan sa pagpapasigla ng agrikultura, isa pa sa mga pangunahing bahagi ng programa ng pamahalaan laban sa kahirapan.
Pawang katanggap-tanggap ang mga hakbangin ito dahil nagbibigay-daan ang mga ito sa bagong panahon ng kaunlarang pang-ekonomiya na para sa kapakinabangan ng buong bansa. Ang paggastos ng gobyerno ay dapat na makahikayat sa pribadong sektor upang itaguyod ang sarili nitong programang pangkaunlaran, upang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon ay magkaroon tayo ng mas malaki pang Gross Development Program (GDP) growth kumpara sa 7.1 porsiyento na naitala ng bansa sa pagtatapos ng 2016.
Ngunit sa lahat ng pagsisikap na ito para mapaunlad ang ekonomiya, huwag nating kalimutan ang libu-libong katao na naapektuhan sa unang programa ng administrasyon, ang mga adik na sumuko sa mga awtoridad at nangangailangan ngayon ng tulong. Karamihan sa kanila ay nakapiit ngayon sa mga lokal na bilangguan, pinangangalagaan ng mga lokal na pamahalaan, na nangangailangan din naman ng ayuda dahil problemado rin sa budget. Kalaunan, mangangailangan din sila ng tulong para sa kanilang rehabilitasyon.