NATALO sa kontrobersiyal na hometown decision ang Pinoy boxer na si Jeronil Borres na dalawang beses napabagsak ang nakalabang si South Korean bantamweight champion Joo Hyun Jung nitong Lunes sa Bomnae Gymnasium, Chuncheon, South Korea.

Hindi naiuwi ng 21-anyos na si Borres ang bakanteng WBC Eurasia Pacific flyweight title, ngunit nagmarka sa mga Koreano ang kanyang performance nang dalawang uli na pabagsakin sa 3rd round ang hometown boy na si Joo.

Ngunit, sa iskor ng mga hurado talo ang Pinoy via split decision.

Nadomina ng tubong Cagayan de Oro City na si Borres ang laban sa loob ng 12-round pero umiskor sina judges Soon Chul Wang ng 115-114 at Wan Soo Yuh ng 114-113 para sa kanilang kababayan na si Joo at naging patas si judge Kyoung Ha Shin sa iskor na 114-112 pabor sa Pilipino.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dati ring South Korean flyweight champion si Joo na minsang tinalo ng retirado nang si ex-WBC flyweight titleholder Malcolm Tunacao ng Pilipinas sa Shimazu Arena, Kyoto, Japan noong Mayo 22, 2014.

Napaganda ni Joo ang kartada sa 8-3-1, samantalang bumagsak ang rekord ni Borres sa 7-2-1, kabilang ang limang knockout. (Gilbert Espeña)