Ni ROBERT R. REQUINTINA

Ashley Ortega
Ashley Ortega
SINABI ng Kapuso star na si Ashley Ortega, isa sa mga bida ng viral television ad ng isang fast-food chain, na walang problema sa kanya kung ma-typecast man siya bilang kontrabida sa mga teleserye.

“I enjoy being a kontrabida because iba ‘yung attack n’ya. Pero for me naman, any role is good. It’s okay kung laging kontrabida role ang ibibigay sa akin as long as I have a job,” sabi ni Ortega, na ang tunay na pangalan ay Ashleigh Marguerretthe Krystalle Ortega Nordstrom Samson, sa exclusive interview sa Quezon City kamakailan.

Si Ortega, 18, ang kontrabida sa sikat na afternoon dramaserye na Oh My Mama sa GMA 7 na nagtapos noong Disyembre, 2016. Ginampanan niya ang papel ni Ariana Gutierrez.

Pelikula

Sine Singkwenta: ₱50 na movie ticket, handog ng FDCP at MMFF

Hindi iyon ang unang pagkakataon na gumanap siyang kontrabida. Una siyang sumalang sa pagiging kontrabida sa Dormitoryo noong 2013, sa Dangwa (2015) at sa Wish I May (2016).

Ngayong taon, umaasa si Ashley na magbibida siya sa mas mature roles.

Kapag hindi abala sa shooting, nag-aaral si Ashley sa School of Fashion and Arts sa Makati City kung saan kumukuha siya ng interior design. “It started when I designed my room. Then I realized na ‘yun din ang gusto ko.”

Plano niyang mag-aral ng interior design sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City.

Nagsimula si Ashley sa GMA 7 noong siya ay 14 anyos. Una siyang napanood sa teleseryeng Cielo de Angelina noong 2012, at simula noon ay lumabas na siya sa maraming Kapuso programs, kabilang ang My Destiny, Paraiso Ko’y Ikaw, at InstaDad.

Kabilang sa mga naging pelikula niya ang Bamboo Flowers noong 2012 at My Big Bossing noong 2014. Itinuturing niyang best friends sa showbiz sina Bianca Umali at Jazz Ocampo.

Isa ngayon si Ashley sa hottest stars sa telebisyon matapos niyang lumabas sa second Jollibee Valentine Series na pinamagatang “Crush”, nang gumanap siya bilang estudyante na may misteryosong manliligaw na nagbibigay sa kanya ng mga burger.

“To everyone who greeted me, THANK YOU GUYS SOO MUCH! I hope you all enjoyed watching my TVC,” sabi ni Ortega, na may dugong Chinese, Spanish at German.

Sinabi ng teen actress mula sa La Union na wala siyang kasintahan ngayon.

“Wala akong special someone ngayon. I’m really focused on showbiz and studies,” aniya. “Kung may umaaligid man sa akin ngayon, alam naman nila kung ano talaga ang priorities ko sa ngayon.”

FIGURE SKATING, PAGEANTS

Marami ang hindi nakakaalam na si Ashley ay isa ring figure skater. Nanalo siya ng mga medalya nang maging kinatawan siya ng Pilipinas sa figure skating competitions sa Thailand at Malaysia.

Mahilig ding sumali sa beauty pageants, taong 2014 nang nanalo si Ashley sa Mr and Ms Olive C Campus Model Search.

Nang tanungin kung may balak din siyang sumali sa national beauty pageants, sinabi ni Ashley, na may taas na 6’1: “Maraming nagsasabi sa akin sumali raw ako, pero I’m still young. Undecided pa rin ako dahil marami pang puwedeng mangyari. At saka sa pageant gusto nila medyo mature. I have to finish school muna.”