Binalasa ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang labor officials sa Kuwait sanhi ng pagkamatay ng isang Filipino household service worker (HSW) sa naturang bansa.

Sa isang interview, ibinunyag ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na ipadadala niya si Alejandro Padaen bilang bagong labor attaché sa Kuwait.

“He is expected to leave for Kuwait on February 15,” sabi ni Bello.

Si Padaen ay naging labor attaché sa Al-Khobar, Saudi Arabia, at natapos ang paglilingkod doon noong 2015. Simula noon ay sa central office ng DoLE sa Intramuros, Manila na siya nag-oopisina.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Inilabas ni Bello ang kanyang pahayag pagkatapos magdesisyon na pauwiin ang acting Kuwait labor attaché na si Angelita Narvaes, na nahaharap ngayon sa administrative investigation dahil sa alegasyon ng kawalan ng aksiyon at pagtatangkang itago kay Bello ang mga nangyari.

Ayon kay Bello, nabigo si Narvaes na iulat sa kanya ang pagkamatay ni Amy Santiago, nang bumisita siya sa Kuwait noong nakaraang linggo.

Si Santiago ay binugbog hanggang sa mapatay ng employer nito noong Enero 25, 2017.

Sinabi pa ni Bello na nagtangka rin si Narvaes na itago sa kanya ang 100 runaway OFWs, na naninirahan sa half-way house na pinatatakbo ng gobyerno sa Kuwait.

Pagdating ni Narvaes sa bansa, sinabi ni Bello na sasailalim pa rin ito sa imbestigasyon ng International Labor Affairs Bureau (ILAB) at maaaring masibak sa serbisyo kapag napatunayang nagkasala. (Samuel P. Medenilla)