Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait ang binitay kahapon.

Ang 42-anyos na si Jakatia Pawa ay binitay dakong 10:19 ng umaga sa Kuwait (3:19 ng hapon sa Manila) sa kabila ng mga apela at pagsisikap ng Philippine Embassy sa Kuwait na siya ay maisalba.

Kasamang binitay ng Pinay ang anim pang nasa death row.

Sinabi ni DFA Asec. Charles Jose sa press conference kahapon na ginawa ng gobyerno ang lahat para maisalba si Pawa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The family of the victim was not amenable to the giving of blood money,” aniya.

Idinugtong ni Jose na agad ililibing si Pawa sa Kuwait alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim.

Batay sa record, noong 2011 ipinagpaliban ng Court of Cessation ng Kuwait ang hatol na bitay sa pamamagitan ng pagbigti kay Pawa, na hinatulan ng Court of First Instance noong Abril 13, 2008 sa pagpatay sa anak na babae ng kanyang employer.

Itinanggi ni Pawa ang krimen at nanindigang siya ay inosente.

HULING HABILIN

Sa huling pagkakataon ay umapela ang pamilya ni Pawa kay Pangulong Rodrigo Duterte kahapon upang isalba siya sa bitay.

Nagmakaawa ng tulong si Col. Gary Pawa, wing inspector ng 530th Air Base Wing ng Philippine Air Force na nakabase sa Zamboanga City, sa Pangulo para sa kanyang kapatid matapos matanggap ang tawag ni Jakatia dakong 5:00 ng madaling araw kahapon na umiiyak na ibinalita ang nakatakdang pagbitay sa kanya.

Naluha si Gary nang marinig ang huling habilin ng kanyang kapatid.

“Magpapaalam ako. Kuya, huwag mong pabayaan dalawang anak ko, bukas bibitayin na ako. Yun lang mahihingi ko sa iyo,” diumano’y sabi ni Jakatia. (BELLA GAMOTEA)