HINDI lang martial law kundi revolutionary government pa ang sinasabi noon ng kandidatong si Rodrigo Roa Duterte na idedeklara niya kapag hindi niya nakuha ang gusto upang maipatupad ang kanyang plataporma-de-gobyerno, tulad ng pagpuksa sa illegal drugs, kriminalidad at paglaban sa kurapsiyon. Sabi noon ni candidate Duterte: “Ipasasara ko ang Kongreso, magdedeklara ng martial law at magtatatag ng isang revolutionary government kapag hinarang nila ang aking mga reporma at hangarin para sa kabutihan ng bayan.”

Ngayong siya na ang pangulo na ibinoto ng 16.6 milyong Pinoy noong May 2016 election, mukhang pinalulutang ni Mano Digong na magdeklara ng batas-militar na unang ipinatikim ng diktador na si Ferdinand Marcos noong 1972. Nagpahayag din siyang hindi susundin ang Supreme Court sa deklarasyon ng martial law.

Gayunman, batay sa mga survey, malaking porsiyento ng mga Pilipino ang tumatanggi sa martial law. Ayaw na nina Juan dela Cruz, Pedrong Pasang-Hirap at Mariang Tindera na matikman pang muli ang batas-militar. Kung noon ay takot na takot sila sa militar (AFP), ngayon ngang wala pang martial law ay takot na takot naman sila sa mga pulis (PNP).

Sa ilalim ng Constitution, kailangan ang concurrence o pagsang-ayon ng Kongreso para payagan ito. Bukod dito, susuriin din ito ng Supreme Court upang alamin kung dapat ngang ideklara ang batas-militar. Ang martial law ay tatagal lang ng 60 araw at obligado ang pangulo na mag-ulat tungkol dito sa Kongreso.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Para sa mga senador na higit na independent-minded (malaya) kumpara sa mga kongresista na waring sunud-sunuran sa kagustuhan ng Punong Ehekutibo (rubber stamp), sinabi nila na ang martial law ay “isang gamot na masahol pa sa sakit.” Pinagsabihan si Pres. Rody ng mga senador na kung hindi niya itutuloy ang deklarasyon dahil pabagu-bago ang kanyang isip, dapat tigilan na niya ang mga pagbabanta sapagkat ang drug menace ay hindi puwedeng maging batayan upang magdeklara ng martial law.

Sinabi niya kamakailan na hindi siya magdedeklara ng martial law. Na ito ay isang “Stupid idea.” Pero patuloy siya sa paghahayag na kapag ang problema sa droga ay naging “very virulent”, baka magdeklara siya nito upang matuldukan ang ilegal na droga. Tandaang ang martial law ay maaari lang ideklara kung may invasion o rebellion. Ang problema sa droga ay hindi naman invasion o rebellion, ayon sa mga senador at kritiko.

Naniniwala ang mga senador na ang martial law ay salungat sa kagustuhan ng mga Pilipino na minsan nang nakaranas ng paghihirap at pagsupil noong 1972. Ang ganitong sitwasyon, ayon sa kanila, ay magtataboy lang sa mga turista at investor. Sinabi ni PDu30 na maging ang oversight powers ng Kongreso at SC ay hindi makapipigil sa kanya.

Nang maging negatibo ang reaksiyon ng publiko at ng Kongreso tungkol dito, agad-agad nagpaliwanag si Communications Sec. Martin Andanar at inakusahan ang media ng “misreporting” o maling pagbabalita. Wala raw intensiyon si PRRD na magdeklara ng martial law. Badya ni Sen. Antonio Trillanes IV: “Pres. Duterte should just shut up on the martial law threats and just govern our country the way any responsible leader should.” (Bert de Guzman)