NA-DURIAN Diplomacy raw ni President Rodrigo Roa Duterte si Japanese Prime Minister Shinzo Abe nang pakainin niya ang Punong Ministro at ang magandang ginang nito na si Akei ng durian at iba pang kakanin sa Davao City. Magkakaloob ang Japan ng $9-billion grant sa Pilipinas. Tinapatan ni PM Abe ang kaloob ding $9-billion grant ni Chinese Xi Jinping.
Sa kabila ng pagiging palamura at umano’y killer ni Mano Digong, ipinamalas niya sa lider ng Japan ang kinikilalang Filipino hospitality. Mula sa Malacañang na sila’y nag-Gan bei (bottoms up) ni Abe hanggang sa dalhin niya ito sa kanyang tahanan sa Davao City at pakainin ng durian, hinog na mangga, pomelo, rambutan at saging na señorita, naging magkaibigan ang dalawang bansa nang higit pa sa pagiging magkapatid.
Bukod sa durian na nasarapan si Abe at kanyang ginang, pinatikim din sa kanya ni PDu30 ang mga kakanin na tulad ng biko, suman, maruya at iba pa. Sa breakfast ng dalawang lider kasama sina Akei at ang partner ni Pres. Rody na si Honeylet Avancena, meron ding monggo soup, kape, black tea at young coconut juice (sabaw ng niyog), pero ang pinili ni Abe ay yogurt para sa kanyang almusal na prutas at gulay. Sanay daw si Abe sa light breakfast.
Ipinakita rin ni President Duterte ang kanyang pribadong kuwarto na naroroon pa ang kanyang kulambo (mosquito net) na nakasanayan niyang gamitin sa pagtulog. Sabi ng kaibigan ko: “Baka na-Kulambo diplomacy rin niya sa PM Abe.”
Kasama ang partner na si Honeylet, ipinagkaloob ni PRRD ang stuffed replica ni “Sakura”, ang agila na nabaril at nasugatan sa kagubatan ng Davao del Norte. Ang “Sakura” ay nangangahulugan ng cherry blossom, isang uri ng bulaklak sa Japan. Aampunin ni PM Abe ang sugatang agila. Ang pagkakaibigan ngayon ng Japan at Pilipinas, ayon sa machong presidente, ay “mahigit pa sa magkapatid.” Eh kung ganoon, paano naman si Chinese Pres. Xi Jinping?
Ang Japan ay kaalyado ng US na matindi namang kaaway ng China. Galit si Mano Digong sa US. Ayaw na niyang magkaroon pa ng joint US-PH military exercises. Gayunman, sinabi ni Japanese Foreign Press Secretary Tasuhisa Kamamura na sasama ang Japanese forces sa 2017 joint Balikatan military exercises ng PH at US. Ayon kay Kamamura, commitment ni PM Abe na mapalawak pa ang pagsusulong sa defense at maritime security cooperation ng Japan at ng Pilipinas.
Itutuloy pa rin ang magkasanib na Balikatan exercise ng US at ‘Pinas sa kabila ng pag-ayaw na rito ng pangulo.
Nagalit si Pres. Rody noon dahil nais ng US sa pamamagitan ni Pres. Obama na usisain ang umano’y human rights violations ng kanyang drug war na ngayon ay may 6,000 drug pusher at user ang napapatay ng mga pulis, subalit halos walang big-time drug suppliers/lords ang naitutumba. “For this year’s Balikatan, the Japanese Self-Defense Force is going to attend,” pahayag ni Kamamura.
Sana ay manatiling magkaibigan, magkapatid ang Japan at Pilipinas kahit noong World War II ay sinakop nito ang ating bansa, dinurog ang maraming lugar, kabilang ang Metro Manila, pinatay ng mga sundalong-Hapon ang maraming Pinoy at ginahasa pa ang kababaihan. (Bert de Guzman)