HINDI dumating si Ara Mina sa presscon ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa at ang dinig namin, may inaayos pa sa isyu niya at ng GMA-7 management. Up to the last minute raw ng presscon, inaayos ang gusot at kahit naayos, hindi pa rin nakapunta sa presscon si Ara lalo na’t hindi pa siya nakakabalik from her vacation.
Last time we checked her Instagram account, nasa Surigao del Sur pa si Ara with her friends at iniinggit ang followers niya sa magagandang tourist spots ng lugar. Ang ganda ng mga pinuntahang lugar ni Ara at ang daming naengganyong followers niya na puntahan din ang mga lugar sa Surigao del Sur na ipinost niya.
Pati si LJ Reyes na gumaganap bilang anak ni Ara sa Afternoon Prime ng Siyete, natanong tungkol sa isyu ni Ara sa production staff ng soap. Clueless si LJ lalo’t galing din sa bakasyon sa Amerika, kaya panay “hindi ko alam” ang sagot sa mga tanong ng reporter.
“Wala talaga akong alam. Nagulat na lang ako na may ganu’n palang isyu. Sana, maayos pa rin at makasama pa rin namin siya. Sana ituloy pa rin niya ang show. Maganda ang working relationship namin, masaya kami sa taping, lahat nagkakasundo at sayang naman kung mapuputol ‘yun,” pahayag ni LJ.
Nabanggit ni LJ na nagkakabiruan sa set dahil ilang taon lang naman ang tanda ni Ara sa kanya, and yet, nanay niya ito sa Pinulot Ka Lang Sa Lupa. Ganoon din ang kaso nina Victor Neri at Benjamin Alves na mag-ama naman ang role sa soap.
Anyway, masaya si LJ na may soap uli siya at ginagampanan niya ang role ni Maricel Soriano sa movie version.
“I’m privileged to play Ms. Maricel’s role. Hindi ko pinanood ang buong pelikula dahil may mga naiba at ayoko ring ma-pressure dahil alam kong iku-compare ang acting ko sa acting ni Ms. Maricel. Clips lang ng ilang iconic scenes ang pinanood ko dahil gusto ko, sariling atake ng role ang gagawin ko at hindi ko magaya si Ms. Maricel,” wika ni LJ.
Si Gina Alajar ang director ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa na ang sabi, kaya natagalan ang airing ay dahil mas pinaganda nila -- ang totoong rason kaya na-extend ang papalitan nilang Sa Piling ni Nanay.
Magpa-pilot na sa January 30 ang Pinulot Ka Lang Sa Lupa. (Nitz Miralles)