MELBOURNE, Australia (AP) — Kakaibang sitwasyon ang naghihintay kina Andy Murray at Angelique Kerber. Sa pagsisimula ng unang Grand Slam tournament – Australian Open – kapwa tangan nila ang No. 1 ranking.
Kapwa nakuha ng dalawang tennis star ang world top ranking sa pagtatapos ng taong 2016 para tuldukan ang mahabang panahong dominasyon nina Serbia Novak Djokovic at American Serena Williams.
Sa opening round sa Rod Laver Arena, kapwa sila sasabak kontra sa Ukrainian rival.
Sisimulan ni Murray, five-time runner-up dito, ang kampanya para sa minimithing unang Australian title, kontra kay Illya Marchenko, habang masusubok si Kerber kay Lesia Tsurenko.
Hindi maikakaila na mabigat ang unang round maging sa top seeded na si Kerber. Sa nakalipas na taon, bilang No.7 seed kinailangan niyang ma-save ang match point para makalusot kay Misaki Doi. Naging puhunan niya ito para gapiin si Serena Williams tungo sa kauna-unahang Grand Slam title. Sinundan niya ito ng panalo sa U.S. Open para makuha ang pagiging numero uno.
“I think this point where I was match point down, that was the important point for my career,” pahayag ni Kerber sa ginanap na media conference. “You never know (if) I lost the match, what would have happened.”
“When I’m looking back, I was feeling that I got a second chance to stay in the tournament,” she said. “I was playing since then without expectation ... just enjoying everything,” aniya.
Mapapanatili ni Kerber ang tangan sa No.1 ranking kung makauusad siya sa Finals, ngunit para sa kanya mas focus siya sa pagdepensa sa kanyang titulo kesya sa ranking.
“It’s a new challenge for me, for sure. We are starting from zero here. I have to be ready from the first round again. I will try to not put too much expectation and pressure on myself. I mean, I will try to do it like last year — that was the way I had my success,” aniya.
Naghahabol naman ng marka sina Djokovic at Williams, kapwa seeded No. 2, na mapapalaban sa ikalawang araw ng torneo.
Target ng Serbian star ang record na unang player na makapagwagi ng pitong Australian Open title, habang asam ni Williams na makuha ang ika-23 major title sa Open era.
Ngunit, ayaw ni Williams na mapag-usapan ang naturang marka dahil sa paniwalang ‘mausog’. Sisimulan niya ang kampanya kontra Belinda Bencic, seeded No.12, ngunit tumalo sa kanya sa Toronto noong 2015.
Unang mapapalaban ang nakatatanda niyang kapatid na si Venus kontra Kateryna Kozlova, habang magtutuos sina fourth-seeded Simona Halep at Shelby Rogers.