Hinimok ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga employer sa pribadong sektor na sundin ang tamang pasahod sa Enero 28, 2017, Chinese New Year, na idineklara ng Malacañang bilang special (non-working) day.
Batay sa mga alituntunin sa special (non-working) day, susundin ang “no work, no pay” kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, depende sa polisiya ng kumpanya.
Ang nagtrabaho ay tatanggap ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod, at kung nag-overtime ay may dagdag pang 30% ng orasang kita, samantala kung natapat sa day off pero nagtrabaho, karagdagang 50% ng arawang kita ang ibabayad dito, at dagdag na 30% kung nag-OT pa. - Mina Navarro