Ni REGGEE BONOAN

Bryan Termulo
Bryan Termulo
“NAUGHTY but nice” ang paglalarawan ni Bryan Termulo sa sarili nang humarap sa press para sa launching sa kanya as Megasoft Hygienic Products ambassador nitong nakaraang Martes.

Sampung taon na sa showbiz si Bryan, pero hindi siya katulad ng iba na mabilis ang pag-angat. Aminado siya na mabagal nga.

Bagamat produkto ng GMA-7 dahil sumali siya sa Pinoy Pop Superstar (dalawang beses hindi pumasa, nakuha na sa ikatlong pagkakataon) at naging first runner-up ng nanalong si Maricris Garcia noong 2007.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bago lumipat sa ABS-CBN, napasama naman si Bryan sa mga programa ng Siyete tulad ng SOP.

Pero bago pa man nag-audition sa Pinoy Pop Superstar, sa Star Circle Quest muna siya nagbaka-sakali pero hindi makapasa-pasa.

“I was seond year high school po that time, so ang layo po kasi ng itsura ko no’n, pangit ko, wala akong dating that time. Nag try pa rin ako sa mga screening na ngingiti lang, bumagsak na po ako kaagad. Hindi ako marunong ngumiti. ‘Tapos sobrang haba ng pila sa ABS-CBN at out na agad ako.

“’Tapos may isa pa uling screening, sali ulit ako. Sabi ko, siguro naman alam ko na paano ngumiti, na-in naman ako. Kinabukasan, bumalik ako, and the next day kumanta ako. Pero sabi nila, ‘Hijo, for now, we’re not looking for singers, we’re looking for artista. You’re good in singing but we’re not looking for singers’. ‘Yun ang sabi sa akin. Kaya kinonsider ko ‘yung sinabi sa akin, kaya sumali ako sa Pinoy Pop Superstar,” kuwento ng binata.

Noong bagong lipat sa Dos si Bryan ay naging mainit naman kaagad siya. Katunayan, pinakanta kaagad siya ng teleserye theme songs, “’Tapos I did some teleserye like Budoy, Dream Dad, Huwag Ka Lang Mawawala.”

At nu’ng hindi na siya gaanong busy, itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Trinity University of Asia (dating Trinity College of Quezon City) at grumadweyt na siya ng Mass Communication. Nitong nakaraang Disyembre naman ay nagtapos na siya ng supplementary education dahil plano niyang mag-board exam ngayong 2017 para makapagturo siya sa high school o elementarya.

“Usually daw kapag nag-take ka ng supplementary sa English or Social Sciences at makapasa ako sa board exam, hopefully makapagturo ako ng history subject. So, singer and historian, puwede?” napangiting sabi ng binata.

Tubong Marilao, Bulacan at middle child si Bryan sa tatlong magkakapatid.

“Retired na po pareho ang parents ko at kaming magkakapatid na lang ang sumusuporta sa kanila. Kami ang nagsabing tumigil na sila at mag-stay na lang sa bahay kasi kaya naman namin na,” kuwento ng singer.

Napakabait at malinis si Bryan, kaya nakialam kami ng konti sa buhay niya at inalam kung ano ang mga kalokohan niya. Hindi kasi siya naging pasaway na anak o estudyante.

“Ano po kasi, eh, pinalaki kami ng magulang namin in Christian way na kapag six in the evening, dapat nasa bahay na kami or else, susunduin kami ng mama ko at tsitsinelasin kami sa harap ng mga kalaro.

“During high school naman po, walking distance lang sa bahay kaya no way para makapunta kung saan-saan,” kuwento niya.

Dala-dala niya ang disiplinang ito nang lumuwas siya ng Maynila para tuparin ang kanyang pangarap sa showbiz.

Hindi rin nahiya si Bryan na amining, “Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang pagkakaiba ng bar at club? Hindi kasi ako mahilig lumabas o mag-bar o clubbing na tinatawag, mas gusto kong mag-stay sa bahay na lang.

“Hindi rin ako mahilig sa branded. Well, dati, pero naisip ko, this is not a wise investment. Ang magandang na-achieve ko sa ABS-CBN ay nabili ko lahat ng gusto ko, nakabili ako ng sarili kong condo unit in Quezon City, ‘tapos ‘yung bahay sa Bulacan where my family stays, pinagawa ko.

“’Yung car ko, basic lang. Hindi ako mahilig sa mga fancy cars. In ten years, nakakadalawang sasakyan pa lang ako. Sobrang simple lang akong tao,” kuwento ni Bryan.

Higit sa lahat, walang bisyo.

“I don’t smoke, I don’t drink. Well, occasionally, depende pa. More on bahay kasi ako talaga lang, nanonood.”

Loveless ngayon si Bryan at plano niyang magkaroon ng pamilya pagtuntong ng 30 anyos, kaya may dalawang taon pa siya.

“Gusto kong mag-ipon pa nang mag-ipon para sa future ko. Kaya nga ang ganda ng 2016 ko kasi natapos ko ‘yung supplementary education ko, ‘tapos habang nag-aaral ako, kinuha ako ng Megasoft para maging speaker sa students and then this 2017, kinausap nila na maging brand ambassador na ng company para sa 2017 School is Cool Tour.

“So, hindi man ako active sa mga shows o pagkanta ng teleserye now, may iba naman akong ginagawa, plus the fact na I have five minutes segment sa Salamat Doc every Saturday and Sunday.

“Aangal pa ba ako no’n, eh, limang minute ‘yung ibinigay sa akin ng show at solo ko lang, unlike sa ibang program, segundo lang ang exposure mo. Kaya nga thankful ako sa lahat ng nangyayari sa akin kasi may bago akong career, TV host na rin,” sabi ni Bryan.

Ano ang magiging trabaho niya para sa Megasoft Hygienic Products?

“I am representing Megasoft kasi may advocacy sila to promote the education at ako ‘yung magbibigay ng talk, testimonials para sa mga bata na lahat sila may mga hugot o pinagdadaanan.

“Gusto kong i-share sa kanila na napagdaanan ko lahat ‘yan nu’ng nag-aaral pa ako, kaya papayuhan ko sila na take it easy. Nandoon kami to entertain and at the same time, to give testimonials sa students,” kuwento niya.

Si Boy Abunda ang manager ngayon ni Bryan at maraming plano para sa kanya ang King of Talk.