Bumalikwas ang Golden State Warriors sa nalasap nitong kabiguan sa Grizzlies isang araw ang lumipas pati na sa malamyang pagsisimula Linggo upang makaiwas sa magkasunod na kabiguan sa pagsungkit nito sa 117-106 panalo kontra Sacramento Kings.
Napaganda ng Warriors ang kanilang record sa 32-6 ngayong season matapos makabawi sa 119-128 kabiguan kontra Memphis Sabado ng gabi sa laro na sinayang nito ang itinalang 24-puntos na abante.
Itinala rin ng 2015 NBA champion ang isa pang longest streak sa kasaysayan ng liga.
Nagtala si Stephen Curry ng 30 puntos habang nagdagdag si Kevin Durant ng 28 puntos Linggo para sa Warriors na naglaro ng kabuuang 124 diretsong laban na hindi natatalo ng magkasunod na longest streak sa kasaysayan ng NBA.
Tumapos si Klay Thompson na may 18 puntos at si Zaza Pachulia ay may 10 para sa Warriors na tinalo ang Kings sa kabuuang 13th sunod na paghaharap.
Nagdagdag din si Draymond Green ng siyam na puntos, 10 assist at pitong rebound.
Samantala’y nagtulong sina Kyrie Irving, LeBron James at Kevin Love para sa pinagsamang kabuuang 80 puntos para sa Cleveland Cavaliers na nabitawan ang 20 puntos na abante sa ikatlong yugto bago naitakas ang host Phoenix Suns, 120-116.
Si James ay may 12 sa kanyang 28 puntos sa fourth quarter, kabilang ang dalawang three-pointers sa pagitan ng 25 segundo upang ibigay sa Cleveland ang 115-109 abante, may 2:47 segundo sa laro.
Umiskor si Irving ng 27 puntos habang nagdagdag si Love ng 25 puntos para sa Cleveland na tinalo ang Phoenix sa ikaapat na diretso.
Napaganda ng Cavaliers ang record sa 28-8 sa season at nagwagi sa 15 sa kanilang huling 18 laro para sa pinakamaganda nitong 36-laro na pagsisimula matapos ang 30-6 noong 2008-09 season.