Pinawi ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pangamba ng mamamayan kaugnay sa kumakalat na balita na guguluhin ng mga terorista ang Traslacion ng Itim na Nazareno bukas.
Sinabi ni Estrada na walang dapat ikatakot ang publiko dahil walang terror threat na natanggap ang security organizations para sa nasabing pagdiriwang.
Gayunman, tiniyak ng alkalde na nakaalerto ang mga pulis upang maantabayanan ang relihiyosong pagdiriwang na inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong deboto.
Iba naman ang saad ni Philippine National Police chief Ronald de la Rosa, na nagkumpirmang may banta na maaaring maghasik ng kaguluhan ang mga terrorist group bilang paghiganti sa pagpatay ng mga pulis sa lider ng Ansar Al-Khilafa na si Mohamad Jaafar Maguid sa Sarangani noong Huwebes.
Sinabi ni dela Rosa na ang banta ay “seryoso.”
Ngunit dagdag niya, poproteksiyunan ng Diyos ang mga deboto. “To the millions of Black Nazarene devotees, don’t be afraid. God is with us. Hindi tayo pabayaan,” aniya.
“Basta tayong lahat naman ay magmamatyag, magmamasid, vigilant. I am encouraging everyone while naka-focus tayo sa celebration we also focus on the safety and security aspect of that festivity,” sabi ni Dela Rosa.
Aabot sa 6,000 pulis, sundalo, at civilian security personnel ang ipinakalat para sa traslacion, at ang hepe ng Manila Police District (MPD) na si Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang magsisilbing overall ground commander ng mga ito.
Nanawagan sa publiko si Coronel na manatiling kalmado at huwag intindihin ang bali-balitang pag-atake ng mga terorista sa Lunes.
“Of course, we all agree that the threat exists regarding the possibility of a terror attack in any situation, including the Traslacion of the Black Nazarene,” pahayag niya.
“But is there a strong possibility or likelihood that such attacks will happen? Based on the assessment of our intelligence community ay very minimal naman po.”
Kung may kumpirmadong terrorist attack, agad irerekomenda ng security officials na kanselahin ang traslacion, ayon pa kay Coronel.
Pinaalalahanan din niya ang mga deboto na iwasang magdala ng mga backpacks o anumang uri ng bag at kung talagang hindi maiiwasan ay maaaring gumamit ng transparent na bag.
“Please avoid bringing backpacks. All you need is a hand towel or handkerchief, and plastic water bottle,” ani Coronel.
“Talaga pong sisitahin namin ang sinumang tao na may dalang backpack at lalapit sa Andas. Hindi na natin sila palalapitin sa procession area.”
Payo pa niya, kung may mapansing mga taong kahina-hinala ang kilos, o di kaya’y mga suspicious-looking na bagahe o mga gamit, na inabandona ay kaagad itong i-report sa mga awtoridad.
Nagbigay naman ng tips ang Department of Health (DoH) sa mga debotong sasali sa prusisyon bukas.
Sa paskil sa kanilang Facebook page, sinabi ng DoH na mas makabubuti kung magbaon ng tubig na nakalagay sa plastic container lamang, gayundin ng mga pagkaing hindi madaling mapanis upang maiwasan ang pagkahilo dala ng gutom.
Dapat din umanong magsuot ng kumportableng damit at iwasang magsuot ng mga alahas at magdala ng maraming pera at mamahaling gamit tulad ng gadgets.
Hindi rin anila dapat na magkalat ang mga deboto at sa halip ay magdala ng plastic na maaari nilang paglagyan ng kanilang mga pinagkainan o kalat at ilagay sa basurahan.
Pinayuhan din ng DoH ang mga debotong matatanda, buntis, lalo na kung kabuwanan na, may sakit at may kapansanan, na manatili na lamang sa bahay.
Dapat naman magbaon ng gamot ang mga taong high blood o diabetic, kung talagang nais ng mga itong makiisa sa prusisyon, gayundin ang mga debotong may maintenance medicine.
Mas makabubuti rin anila kung hindi na rin magsasama ng bata sa prusisyon, ngunit kung hindi ito maiiwasan ay dapat siguraduhing lagi itong hawak at hindi mawawala sa kanilang paningin.
Mas mainam rin kung maglagay ng impormasyon sa bulsa ng bata kung saan maaaring makipag-ugnayan sakaling mawala ito dahil sa dami ng debotong dadalo sa prusisyon.
Dapat din anilang alamin ng mga deboto kung saan ang mga medical stations na ilalagay sa mga lugar na daraanan ng prusisyon sakaling kailanganin ang serbisyo nito sa panahon ng emergency. (Mary Ann Santiago)