SA panahon ng administrasyong Aquino, abot-langit ang pasasalamat ng mga retiree at SSS pensioner nang pagtibayin ng Mabababang Kapulungan at ng Senado ang dagdag na P2,000 sa Social Security System (SSS) pension bill.

Mahigit 2 milyon ang SSS pensioner na karamihan ay umiinom na ng maintenance medicine sapagkat kung hindi high blood at may diabetes, sila ay nirarayuma. Mabagal nang lumakad sapagkat masakit ang tuhod.

Nag-ibayo pa ang tuwa ng mga senior citizen at SSS pensioner nang isahimpapawid sa radyo at telebisyon ni Senate President Franklin Drilon na dinala na sa Malacañang ang SSS pension bill upang malagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Marami noon sa mga SSS pensioner at senior citizen ang nagdasal. Nagsimba. Lumakad nang paluhod sa mga Simbahan kahit masakit ang tuhod. Buod ng kanilang dasal: pagtibayin sana ni Pangulong Aquino ang SSS pension. Malaking tulong ang dagdag na P2,000 sa pambili ng kanilang gamot na halos lingu-linggo ay tumataas ang presyo. Ngunit nadismaya at gumuho ang pag-asa ng mga senior citizen at SSS pensioner nang ibasura at hindi lagdaan ni Pangulong Aquino ang SSS pension bill. Ang dahilan at katwiran: mababangkarote ang SSS kapag ginawa ito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Inulan ng batikos si Pangulong Noynoy Aquino. May nagsabing manhid at walang puso ang Pangulo sa mga SSS pensioner.

Maging ang mga obispo, anak, kamag-anak at apo ng mga SSS pensioner ay binatikos si Pangulong Aquino sa social media.

At palibhasa’y panahon ng eleksiyon, sa galit kay Pangulong Aquino, hindi ibinoto ang mga kandidato ng administrasyon ng may 2.2 milyon SSS pensioner at ng mga anak, apo at mga kamag-anak nito. Bagsak sa kangkungan ng pulitika ang mga manok ni Pangulong Aquino.

Nangako naman ang pambato ng PDP Laban na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kapag siya’y naging pangulo ay may dagdag ang pension ng mga SSS pensioner at senior citizen. Nabuhay ang pag-asa ng mga SSS pensioner. Tulad ng pagtupad sa paglulunsad ng giyera kontra droga at kurapsiyon, isang joint resolution naman ang pinagtibay sa Kongreso na dagdag P2,000 sa mga senior citizen at SSS pensioner. Ang unang P1,000 ay ibibigay sa Disyembre 2016 o Enero ng 2017. Ang ikalawang P1,000 naman ay ibibigay makalipas ang tatlong taon. Nagbunyi sa galak ang mga SSS pensioner.

Abot-langit na naman ang kanilang dasal na sana’y lagdaan ni Pangulong Duterte ang joint resolution. Ngunit muling gumuho ang pag-asa ng mga SSS pensioner at senior citizen sapagkat hindi nilagdaan ng Pangulo ang joint resolution.

Nakinig at sinunod ng Pangulo ang pagtutol ng kanyang tatlong economic manager. Tulad ng katwiran noon ng rehimeng Aquino, mababangkarote ang SSS kung hindi tataasan ang kontribusyon ng mga miyembro.

Dahil sa pangakong napako at pag-asang naglaho sa dagdag na P2,000 sa mga SSS pensioner, may iba’t ibang reaksiyon ang ating mga kababayan, partikular na ang mga senior citizen at SSS pensioner. May nagsabing sana’y hindi na ipinangako at pinaasa ang mga SSS pensioner. Sa galit at pagkainis naman ng iba, hindi naiwasan na halos murahin sa dasal ang Pangulo. Nawalan ng kredibilidad ang administrasyong Duterte. Bolero raw at nuno ng kasinungalingan.