Blazers, naapula ng Warriors sa Oracle; Cavaliers, NY Knicks at Thunder, luhaan.

OAKLAND, Calif. (AP) — Napanatili ng Golden State Warriors ang malinis na marka sa home court sa dominanteng 125-117 panalo kontra Portland TrailBlazers nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Kumawala si Stephen Curry sa depensa ng Blazers para maisalansan ang 35 puntos, tampok ang limang three-pointer, habang kumasa si Kevin Durant sa naiskor na 30 puntos para sa ikasiyam na sunod na panalo ng Warriors sa Oracle Arena.

Nag-ambag si Zaza Pachulia ng 13 puntos, ikalawang sunod na double digit ngayong season at ikaapat bilang miyembro ng Golden State. Napantayan din niya ang career-high na tatlong block para makaulit sa Blazers at makamit ng Warriors ang ika-31 panalo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna si C.J. McCollum sa Portland sa natipang 35 puntos, ngunit wala siyang katuwang sa krusyal na sandali dahil nasa injury list pa rin si All-Star Damian Lillard.

BULLS 106, CAVS 94

Sa Cleveland, dismayado ang home crowd nang bigong mapigilan ng Cavaliers ang pagwawala ng Chicago Bulls, sa pangunguna ni Jimmy Butler na kumubra ng 20 puntos, tampok ang 10 sunod sa krusyal na sandali ng final period.

Nag-ambag si Doug McDermott ng 17 puntos sa Bulls na tumipa ng season-high 13 three-pointer.

Mag-isang binuhat ni LeBron James ang Cavs bunsod nang injury nina All-Star Kevin Love at Kyrie Irving para maitumpok ang 31 puntos, walong rebound at pitong assist.

BUCKS 105, KNICKS 104

Sa Madison Square Garden, naisalpak ni Giannis Antetokounmpo ang turnaround jumper sa buzzer para maunguan ng Milwaukee Bucks ang New York Knicks.

Tumapos si Antetokounmpo na may 27 puntos, at 13 rebound, at pinakaimportanteng depensa nang matapik niya ang bola kay Derrick Rose at ma-out of bound may 8.6 segundo sa laro.

Sa huling play, kampanteng nagmaniobra si Antetokounmpo sa depensa ni Thomas bago pumihit paatras at binitiwan ang bola kasabay ng buzzer.

Nanguna si Carmelo Anthony na may 30 puntos, 11 rebound at pitong assist sa Knicks, nagtamo ng ikaanim na sunod na kabiguan.

Sa iba pang laro, ginapi ng Los Angeles Clipper ang Memphis Grizzlies, 115-106; pinatahimik ng Charlotte Hornets ang Oklahoma City Thunder, 123-112; dinagit ng Atlanta Hawks ang Orlando Magic, 111-92; at sinilaban ng Miami Heat ang Sacramento Kings, 107-102.