Pumayag na ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na magsagawa ng tinatawag na “stripping activities” sa lahat ng vote counting machine (VCM) na saklaw ng election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ang “stripping activity” ay ang pag-aalis ng mga back up card, modem at external batteries mula sa VCM at consolidation and canvass units (CCS).
Ito ay bahagi ng paghahanda para sa aktuwal na pagsauli ng nirentahang mga makina sa Smartmatic.
Sa isang resolusyon, iniutos ng Korte Suprema na madaliin ang pagsasagawa ng stripping activities.
Kasabay nito, inatasan din ng PET ang Comelec na payagan ang mga partido at kinatawan ng PET na mag-obserba at magkomento sa pagsasagawa ng stripping activity.
Inaprubahan din ng PET ang pagdaraos ng preliminary discussion sa pagitan ng Comelec, at mga abogado at watcher ng mga partido sa kaso para sa panuntunang ipatutupad sa pagsasagawa ng nasabing proseso, kasama na ang ocular inspection sa warehouse ng Comelec sa Sta. Rosa, Laguna kung saan gagawin ang stripping activity. (Beth Camia)