HUMINGI ng apology si President Rodrigo Roa Duterte sa bansa, lalo na sa pamilya ng mga inosenteng sibilyan na biktima ng illegal drug war niya, dahil sila ay napagitna sa “crossfire” at naging “collateral damage” o nadamay sa barilan ng mga pulis at ng mga adik.

Gayunman, nanindigan si PDu30 na hindi niya ititigil ang pagpatay sa drug pushers/users habang sila’y gumagamit ng shabu at iba pang bawal na gamot at nambibiktima ng mga kabataan. Iuutos pa rin niya kay PNP Chief Director General Roland “Bato” dela Rosa na ituloy ang giyera sa illegal drugs, pero ingatang hindi madamay ang mga bata, babae at matatanda. Mungkahi Mr. President, ang itumba mo ay iyong mga drug suppliers at big-time drug lords sapagkat kung walang supplies, walang magagamit ang mga adik.

Sa magkahiwalay na interview nina Jessica Soho ng GMA-7 at Linda Jumilla ng ABS-CBN News, inamin ng machong pangulo na may mga pagpatay na hindi sinasadya (unintended), tulad ng mga bata na naipit sa bakbakan ng mga pulis at drug pushers/users.

Gayunman, kinulit siya ni Jessica at hayagang ipinaalam kay Mano Digong na wala naman daw barilang nangyari, hindi nanlaban ang mga tulak at adik. Na mismong mga pulis ang bumaril at nakapatay dahil ang mga biktima ay kanilang mga asset at ayaw nilang magbulgar ang mga ito na silang mga pulis ang drug protectors. Medyo napikon si PRRD at tinanong si Soho kung sino ang mga nagsabi ng ganoon. Tinugon siya ni Jessica na kabilang sa nagsasabing hindi nanlaban ang drug pushers/users ay ang media people, mga kaanak ng mga biktima at mga saksi sa pagpatay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“I would admit there were killings that were really unintended, like the children who were caught in a crossfire.

Collateral damage, and I’m sorry.” Papaanong hindi madadamay ang mga bata, babae at matatanda eh, pati mga bahay ay pinapasok at binabaril ang suspects habang natutulog kasama ang mga pamilya.

Siyanga pala, kaugnay ng selebrasyon sa Bagong Taon (2017), muling kumilos si ex-Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo sa kanyang taunang kampanya laban sa paggamit ng paputok upang makaiwas ang mga tao sa aksidente at pagkakasugat.

Namahagi siya ng mga torotot na pamalit sa mga paputok sa kanyang constituents sa Tundo.

Bukod sa malalakas at maiingay na tunog ng mga torotot, namigay din si Asilo ng lechong tinapay at mga bola para gamitin sa paglalaro ng kabataan. Pinangunahan niya ang parada upang ikintal sa kaisipan ng mga taga-Tundo ang pinsalang likha ng paputok. Saksi siya sa pagkaputol ng mga daliri at pagkabulag ng kanyang... mga kapitbahay dahil sa paputok. Ayaw niyang mangyari ang ganitong kakila-kilabot na pangyayari na dapat ay ipagsaya, pero nauwi sa trahedya.

“Dapat nating salubungin ang 2017 nang buong sigla, malakas ang pangangatawan, walang daliri o kamay na naputol, mga matang nabulag nang dahil sa rebentador at iba pang uri ng paputok na hindi lang nagdudulot ng pinsala sa tao kundi maging sa kapaligiran,” ani Asilo.

By the way, namatay na ang sikat na American singer na si Debbie Reynolds, isang araw matapos pumanaw ang sikat ding anak na si Carrie Fisher, noong Miyerkules. Sumikat si Debbie sa pelikulang ‘Singin’ In the Rain’ at sa iba pang Hollywood classics sa kabila ng “tumultous life”. Iniwanan siya ng sikat ding asawang si American singer na si Eddie Fisher at ipinagpalit kay Elizabeth Taylor. Dito pumailanlang ang awiting ‘Am I That Easy To Forget’. Nagluluksa ang Hollywood sa pagkamatay ni Debbie Reynolds at ng anak na si Carrie. (Bert de Guzman)