Sa Abril o Mayo ng susunod na taon bibisita si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Russia, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
"Ang visit ng presidente, tinitingnan ng Department of Foreign Affairs (DFA) something like April or somewhere May ‘pag mainit na kasi napakalamig ngayon doon," sabi ni Lorenzana kahapon.
Ibinahagi rin niya na isa sa magandang nangyari sa pagbisita nila ni DFA Sec. Perfecto Yasay sa Russian kamakailan ay ang pagkatatag ng "military to military" relationship sa mga Russian.
"Its not an alliance only an exchange of students, of personnel and participation in exercises, more on an observer on exercises," ani Lorenzana.
Sinabi rin niya na balak ng Russia na magbenta ng drone at submarine sa bansa.
"They want to sell drones, we can acquire that. They also want to sell a submarine but its too expensive and I don't think we need that," dagdag niya.
RUSSIAN VESSEL
Kasabay nito, sinabi ng Philippine Navy (PN) kahapon na dalawang barko ng Russian Navy ang nakatakdang bumisita sa bansa sa Enero 2 hanggang 7, 2017.
Ayon kay Navy Captain Lued L. Lincuna, Director ng Naval Public Affairs Office, ang Russian Navy vessels Admiral Tributs, isang malaking anti-submarine ship, at Boris Butoma, isang malaking sea tanker, ay dadaong sa Pier 15, South Harbor, Manila para sa limang araw na “goodwill visit”.
PINAY CONVICT
Samantala, tiniyak ng DFA na patuloy na tatanggap ng ayuda ang Pinay na nahatulan sa pagnanakaw sa Russia para sa agaran nitong paglaya.
Bumisita ang mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Moscow sa pamumuno ni Assistance to Nationals Officer Christian Glenn Baggas sa Pinay na nakakulong sa Penal Colony No. 13 sa Republic of Mordovia noong Disyembre 12 at 13.
Bahagi ng Russian Federation ang Mordovia, na may 600 kilometro ang layo mula sa Moscow, ang kabisera ng Russia.
(Francis T. Wakefield at Bella Gamotea)