LONDON (AP) — Hindi man naging Grandslam champion, isa si Ana Ivanovic sa kinagigiliwan ng crowd. Taglay ang kagandahan at kayumihan na maihahalintulad sa mga pamosong modelo, tunay na inaabangan bawat taon ang pagrampa ng Serbian superstar.
Ngunit, sa pagsisimula ng tennis season sa pagpalo ng Australian Open – unang major event ng 2017 – sa Enero 9, hindi na kabilang si Ivanonic.
Sa edad na 29, ipinahayag ni Ivanovic nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) ang pagreretiro dahil sa samu’t-saring injury na aniya’y dahilan para mabigong makalaro sa mas mataas na antas na nais niyang mapanood ng mga tagahanga.
Sa live broadcast sa Facebook, madamdaming ipinahayag ni Ivanovic ang pagtatapos ng kanyang career.
“It was a difficult decision, but there is so much to celebrate,” aniya.
Tangan ng Serbian superstar ang 15 titulo sa Tour, kabilang ang French Open noong 2008 kung saan nakopo rin niya ang pagiging World No.1. Sa kanyang pagreretiro, nakalista siya bilang No. 63 sa world ranking.
“It’s been well-known that I’ve been hampered by injuries. ... I can only play if I can perform up to my own high standards and I can no longer do that,” pahayag ni Ivanovic.
“So it’s time to move on,” aniya.
Naging Unicef national ambassador ng Serbia si Ivanovic noong 2007 at iginiit niyang bahagi ng kanyang plano ang manatiling naglilingkod sa kawanggawa.
“I will become an ambassador of sport and healthy life. I will also explore opportunities in business, beauty and fashion among other endeavors,” pahayag niya sa Facebook page.
“I will also have more time for my philanthropic activities with my work with Unicef. I’ve lived my dreams and I really hope to help others do so as well.”
Naging finalist siya sa Roland Garros noong 2007 at sa Australian Open noong 2008. Nabigo si Ivanovic sa first round ng 2016 US Open sa kamay ng 89th-ranked na si Denisa Allertova ng Czech Republic. Ito ang ikalawang pagkakataon na nasibak siya ng maaga sa Flushing Meadows.
“Ana is a true champion and a great ambassador for the sport of women’s tennis,” pahayag ni WTA CEO Steve Simon sa opisyal na pahayag sa Tour website. “She has contributed greatly to the entire sport, both in her home country of Serbia and across the globe.”