SA kanyang homily na may pamagat na “Feast of Beauty and Hope”, tandisang sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na dahil sa “kapangitan” at kalupitan ng Extrajudicial Killing (EJK), nabahiran nito ang kagandahan, kaluwalhatian at kagalakan na hatid ng Pasko.
Ang Christmas para sa atin ay isang pista ng kagandahan at pag-asa, pero hindi tayo naging masaya dahil sa kapangitan na dumating sa ating buhay dahil sa walang habas na pagpatay na nangyayari araw-araw sa ngalan ng pakikidigma sa bawal na gamot. Ayon kay Villegas, bawat araw ay nasasaksihan ang pagdanak ng dugo sa mga lansangan at sidewalks.
Binanggit niya ang isinasaad ng Bibliya: “Our land must flow with milk and honey (Ex:33), not with blood and violence and murder crying from the earth with justice (Gen:4.10)”. Inuulit natin, walang kumukontra sa layunin ni President Rodrigo Roa Duterte na sugpuin, supilin ang illegal drugs sa bansa dahil maraming kabataan at mamamayan ang pinipinsala nito. Gayunman, sa paglulunsad ng giyera sa droga, dapat naman sana ay gamitin ng mga pulis ang tunay na hustisya at hindi basta na lang babarilin at papatayin ang pinaghihinalaang drug pushers at users. Nadadamay pati ang kanilang mga anak at asawa.
Isang kongresista ang umaalma sa layunin ni Mano Digong na baguhin ang 1987 Constitution upang luwagan ang mga probisyon sa pagdedeklara ng martial law. Nagbabala si Albay Rep. Edcel Lagman na gagamitin ni PDu30 ang Charter Change (Cha-Cha) upang maging isang diktador tulad ng kanyang idolo na si ex-Pres. Ferdinand Marcos.
Sa ngayon, hindi tulad noong panahon ni Marcos, may mga kondisyon sa pagdedeklara ng martial law. Kailangan muna ang concurrence o pagkatig ng Kongreso at pagrerepaso ng Supreme Court kung dapat ngang sang-ayunan ang deklarasyon. Para kay Pres. Rody, dapat nang alisin ang ganitong mga probisyon dahil hindi raw makagagalaw karaka-raka ang isang presidente sakaling magkaroon ng rebelyon at invasion.
Samantala, dahil karamihan sa mga Pilipino ngayon ay takot na mamatay bunsod ng hayagang pagpatay ng mga pulis kaugnay ng giyera sa droga ni Pangulong Duterte, nanawagan si Vice President Leni Robredo na magkaisa ang sambayanang Pilipino at labanan ito. Ayon kay VP Leni, umaasa siya na ang Christmas season ay magbibigay ng kapangyarihan at tapang sa mga mamamayan upang labanan ang extrajudicial killing at human rights violations.
Iginiit ni Pres. Rody na kahit galit siya sa Amerika at nais niyang hiwalayan ito upang pumanig sa China at Russia, ang Pilipinas naman ay “Not for Sale” sa dalawang bansang kinahuhumalingan niya ngayon. Binigyang-diin ni RRD na hindi niya ilalagay sa panganib ang soberanya ng ating bansa.
Tiniyak niya sa mga tauhan ng AFP at PNP na hindi sila dapat mag-alala kahit walang humpay ang pagbanat niya kay Uncle Sam. Hindi raw niya ibebenta ang ‘Pinas kina Xi Jinping at Vladimir Putin. Wala raw siyang ipinangakong military alliance kay Jinping nang siya’y dumalaw sa China kamakailan. Pawang usapan hinggil sa ekonomiya ang kanilang tinalakay.
Siyanga pala, hanggang Disyembre 31, 2016 na lang ang bisa ng mga lumang perang papel kaya dapat papalitan na ang mga ito. Kabilang dito ang P5, P10, P20, P50, P100, P200, P500, at P1,000. Hanggang ngayon ay wala pa akong nahahawakang bagong pera na may pirma na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte! (Bert de Guzman)