LeBron James

CLEVELAND (AP) — Muling nagtagumpay si LeBron James. Sa pagkakataong ito, kabilang sa kanyang nagapi ang dalawang atleta na itinuturing pinakamabilis sa katubigan at kalupaan.

Napili si James, nagsilbing ‘messiah’ para mapawi ang 52 taong pagkauhaw ng Cleveland sa professional sports championship, bilang ‘Male Athlete of the Year” ng Associated Press.

Ito ang ikalawang pagkakataon ni LeBron na magwagi ng parangal na natanggap din niya noong 2013.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Inilabas ng AP ang resulta nitong Martes (Miyerkules sa Manila) kung saan nakatanggap si James ng 24 boto mula sa posibleng 59 mula sa AP member newspaper editors.

Tinalo niya ang dalawang Olympic legend sa katauhan nina swimming great Michael Phelps (16) at athletics icon Usain Bolt (9). Nagtabla sa ikaapat na puwesto sina Chicago Cubs third baseman Kris Bryant – NL MVP at nanguna sa koponan para sa kauna-unahang World Series title mula noong 1908 – at Golden State star guard Stephen Curry – recipient ng parangal sa nakalipas na taon.

Nakatanggap din ng boto sina football superstar Cristiano Ronaldo, Von Miller at tennis champion Andy Murray.

Nakisosyo si James kay basketball living legend Michael Jordan bilang tanging NBA player na nagwagi ng parangal nang dalawang ulit. Naitala ni Jordan ang makasaysayang ‘three-peat’ noong 1991-94.

Nitong Lunes, tinanghal na AP top female athlete si US Olympic gymnast Simone Biles.

Ipinahayag ni James na ikinararangal niya na mailagay sa pedestal kasama ang mga premyadong atleta, kabilang si Phelps, may tangan ng 23 Olympic gold medal, kabilang ang lima sa nakalipas na Rio Olympics.

“To be that dominant in your respective sport, to see what he’s been able to do over the years, what he does in that water, man, it’s tremendous and very inspiring,” pahayag ni James.

“When you have that type of tenure to be able to dominate, when you know that the entire competition is gearing up to beat you — and only you — and you’re still able to come away No. 1 or always be at the top of the food chain, that’s very inspiring,” aniya.