joel-uge-at-jericho-copy

NAKAUSAP namin sa grand presscon ng Ang Babae sa Septic Tank 2: Forever is Not Enough ang isa sa producers ng pelikula na si Atty. Joji Alonso na umaming ayaw na sana niyang magkaroon ito ng sequel dahil tiyak na ikukumpara sa una.

So, alin ang mas maganda para kay Atty. Joji, ang una o itong sequel?

“Mahirap magsabi kasi love na love ko ‘yung first,” sagot ng producer ng Quantum Films. “Normally kasi, di ba, kapag gumawa ka ng sequel, ang hirap kasi ikukumpara sa una. Pero when I read the script, sabi ko, ‘my God, let’s do this na, kasi kung ano ‘yung level nu’ng isa, nai-match, eh. I personally like this one kasi mas kaya siyang intindihin ng audience kaysa sa first.”

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Wala raw sa plano na gumawa ng sequel dahil ang mismong writer ng pelikula na si Chris Martinez ay ayaw itong gawin.

“Kasi mahirap gumawa ng sequel, eh, hindi ko alam biglang gumawa, siguro na-inspire siya (Chris), marami kasi siyang na-experience siguro ‘tapos si Uge (Eugene Domingo) at the same time, nag-aral ng Spanish at lalabas sa pelikula. So siguro napagtagpi-tagpi niya kung ano ‘yung nasa totoong buhay,” kuwento ni Atty. Joji.

Binanggit namin ang sinabi ni Direk Marlon Rivera na hindi naman mataas ang comedy ng Septic Tank 2 kundi matino.

Ibig bang sabihin, hindi matino ang ibang comedy films?

“Ha-ha-ha, ang hirap naman ng tanong na ‘yan, I’d rather call it ano..., ganito na lang, hindi kasi ako mahilig sa slapstick personally, hindi ako natatawa sa slapstick, mahirap akong patawanin. So, ako kasi, mas gusto ko ‘yung comedy na it comes naturally. Malaking factor ‘yung script itself at kung ano ‘yung nilalaman nito at kung paano ini-execute ng directors and actors ‘yung script.

“So dito (Septic Tank 2), batuhan ng lines, sobra siyang funny for me, but that’s me, ha, this is my opinion. Baka naman ‘yung iba hindi rin natatawa sa choice ng humor ko.

“Like for example ‘yung yaya ko kapag isinasama ko sa sine, ako hindi natatawa, pero siya tawang-tawa, that’s okey.

Kasi it works for her, hindi lang siguro nagwo-work for me. Kanya-kanya kasi tayo kung anong level ng comedy ang tipo natin,” paliwanag ng lady producer.

Binigyan ng “Grade A” ng Cinema Evaluation Board ang Septic Tank 2.

Aminado si Atty. Joji na pinapanood niya ang lahat ng comedy films at lahat ng kasali sa Metro Manila Film Festival bilang isang movie producer na nais maging updated sa pelikulang ginagawa ng iba.

Samantala, itinanong namin kung bakit kinuha si Jericho Rosales bilang isa sa leading men ni Eugene Domingo gayong hindi naman sila magkaedad.

“Kasi kailangan namin ng iconic ng love ng romantic-comedy film. Specific ‘yan, si Joel (Torre) representation kung ano ‘yung real na indie na paggawa ng pelikula, si Echo naman ‘yung mainstream rom-com icon. Si Joel naman ang icon ng independent films, so talagang wala kaming ibang choice kundi sila as the actors to portray the role. Kaya ang hirap kasi kung umayaw sila, patay na kami,” paliwanag ni Atty. Joji.

Malaki ang kinita ng unang Septic Tank, challenge na malampasan ito ng sequel.

“Hopeful kami na sana kumita kahit paano, feeling ko malalampasan naman ang kinita nu’ng una kasi mas malaki ang budget nito, kasi times 6 ang budget nito sa Septic Tank 1.

Napanood na namin ang Septic Tank 2 na nasa ending ang pinakamalakas na sipa. Sa katunayan, tawa nang tawa si Atty. Joji dahil na-stress daw siya.

“Nagkasakit si Uge kasi talagang marami siyang nainom, kasi naman talagang sa mukha niya bumulaga ‘yung septic tank.

At nakailang inquiry kami sa lahat ng BMW owners, ayaw nilang ipabasa ang kotse nila, siyempre nga naman, mahal at matagal gawin kapag nasira,” kuwento sa amin pagkatapos naming mapanood ang pelikula.

Kung ano ang kinalaman ng BMW sa pelikula, panoorin n’yo na lang.

Samantala, kinunan namin ng reaksiyon si Atty. Joji sa sinabing ‘indie films is not for Christmas dahil may sariling festival ito.’

“I don’t agree with that, but I respect their opinion like ako na may sarili rin naman akong opinion,” sagot niya.

Hindi itinanggi ni atty Joji na marami rin silang naging issue ni Mother Lily Monteverde noon, pero respetado niya ito.

“Just the fact that Mother stayed this long in the industry for more than 50 years, irespeto natin talaga siya,” say ng Quantum Films producer. “I don’t agree with what she said na indie films is not for Christmas or MMFF, but what Mercedes Cabral told, it’s in-appropriate.”

Pagkatapos ng MMFF ay may opening salvo kaagad sa Enero 18 ang Quantum Films, Tuko Films Production, MJM Productions at Buchi Boy Entertainment, ang Ilawod na si Dan Villegas ang nagdirek at bida naman sina Iza Calzado, Therese Malvar at Ian Veneracion.

“It’s an horror film na sobrang nakakatakot talaga. Its about a family that is going to rip apart because of something, ha-ha-ha. Parang Korean-Japanese horror film,” natatawang kuwento ni Atty. Joji.

Hindi raw ito hango sa ibang horror films at Ilawod ang titulo, “Kasi, di ba may mga kuwento-kuwento na may mga taong nawawala in the middle of the sea, river, pool. So Ilawod is Bicolano-Visayan word na deep part. Sobrang nakakatakot siya for me kasi hindi gulatan level, it’s a psychological level,” kuwento ni Atty. Joji.

Hmmm, interesting ang project na ito ni Direk Dan. (REGGEE BONOAN)