PATINDI nang patindi ang problema ng Metro Manila sa trapiko na umuubos sa oras ng mga commuter. Tinatayang aabot sa P2.5 bilyon ang nasasayang sa ekonomiya ng bansa kada araw bunsod ng mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA at mga lansangan. Batay sa mga report, maging sa Metro Cebu at Metro Davao ay mahigpit at usad- pagong na ang mga sasakyan.

Nagrereklamo na ang mga Pinoy (estudyante, manggagawa) sa problemang ito na itinuturing na bilang isang “national disaster” na sumasayang sa oras (man hours), pumipinsala sa kalusugan ng mamamayan at nagpapaudlot sa pagsulong ng ekonomiya at mga negosyo. Dapat umanong bigyang-pansin ni President Rodrigo Roa Duterte ang suliranin sa trapiko at hindi lang isentro ang pagmumura, pagpatay at pakikidigma sa illegal drugs.

Sa puntong ito, may nagpadala sa akin ng ganitong salaysay: “Parang hanggang ngayong si Du30 na ang pangulo ng bansa, parusa pa rin ang bigat ng trapiko. Saan ka man sumuong, usad-pagong ang mga sasakyan. Mantakin ninyong mula sa airport hanggang Mandaluyong, tatlo at kalahating oras ang biyahe, talo pa ang Hong Kong trip na wala pang dalawang oras.”

“Maituturing na counter-productive ang ganitong sitwasyon dahil maraming negosyo ang napeperhuwisyo bunsod ng ‘loss of man hours at productive time’. Para kang nakapiit sa Kulungang-Trapiko, hindi makapagtrabaho dahil nakaupo sa loob ng sasakyan habang nakatingin sa vendors ng mais, mani, sitsirya,at tubig na nakikipagpatintero sa lansangan.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Dapat ang EDSA ay isang freeway (tulad sa US, Japan, Singapore). Dapat mag-aral at mag-isip ng solusyon ang mga eksperto ng Du30 administration. Malaki ang budget ngayon (P3.3 trilyon) kaya dapat pagtuunan ng ibayong pansin ni President Rody ang pagtatayo ng mass transit, tulad ng dagdag na MRT, LRT, PNR atbp. Sa ibang bansa, moderno ang kanilang mass transit kaya hindi nagdurusa ang mga mananakay (commuters) sa pagtungo sa opisina at pag-uwi sa bahay.”

“May mga ulat na pinag-aaralan ang waterway transport system para gamitin sa seaport system sa pagkakarga ng mga produkto. Magandang plano ito ng administrasyon. Ito raw ICTSI at M-rail na isang rail freight system, ay magpapadala ng mga kargamento mula Port Area papuntang Calamba, Laguna. Kung natuloy lang ito noong isang taon, wala sanang trapik sa Port of Manila.”

“Tuusin natin: Ilang container van ang kayang dalhin ng isang malaking truck kumpara sa kayang dalhin ng tren. Tiyak malawakang trapik ang lilikhain ng isang container van sa truck na bibiyahe sa mga kalye samantalang kung magiging moderno ang mass transit, magiging mabilis ang biyahe ng mga mananakay at maging ng mga kargamento. Hoy, Sec. Tugade, gising na. ‘Wag mong sabihing nasa isip lang ang trapiko. Wag kang matulad kina PNoy at Sec. Abaya na magpapasagasa raw sa tren kapag hindi natapos ang isang proyekto sa transportasyon. Eh, di nga natapos, pero hanggang ngayon ‘di pa nagpapasagasa. Pres. Du30, ikaw na ang bahala sa trapiko.”

Ang mga kaibigan kong sina Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, Melo Acuna at Sultan Abdul ay “nagdurusa” rin sa bigat ng trapiko. Sabi ni Joe, gumugol siya ng apat na oras mula Makati City hanggang Meralco; si Melo naman ay malimit ma-late sa mga presscon dahil sa lintik na trapik; si Abdul ay nag-abang ng taxi ng 11:00 ng gabi pero 1:00 na ng madaling araw nakasakay. Ngayong Pasko, balak kong umuwi sa San Miguel, Bulacan kung kaya magbabaon na ako ng isang baldeng pasensiya.

Siya nga pala, kahit nanalo sa kaso ang Pilipinas sa Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands, laban sa China tungkol sa hidwaan sa West Philippine Sea, aba hindi raw kikilos ang Du30 gov’t kahit nilalagyan na ng China ng military structures ang mga reef at artificial islands! Ano ba ito, Mr. President at DFA Sec. Perfecto Yasay, Jr?

(Bert de Guzman)