Bagaman nakapanlulumo ang pagtatapos sa men’s at women’s basketball ay nangunguna pa rin ang season host University of Sto. Tomas sa labanan para sa general championships ng UAAP Season 79 matapos ang lahat ng mga event sa kanilang kalendaryo para sa unang semestre.

Ang pamamayani sa anim na event at pagtatapos na runner-up sa tatlo pa ay nagbigay sa Tigers ng 12-puntos na kalamangan kontra sa pinakamahigpit na katunggali na defending champion De La Salle sa seniors general championship race.

Naghahangad ng kanilang ika-41 pangkalahatang kampeonato, nagwagi ang UST sa men’s at women’s beach volleyball at judo, gayundin sa men’s taekwondo at men’s table tennis.

Tumapos sila na runner-up sa women’s taekwondo, poomsae at women’s table tennis upang makatipon ng kabuuang 161 puntos kumpara sa La Salle na may 149 puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bukod sa pagwawagi sa men’s basketball, nagwagi din ang DLSU sa poomsae at women’s table tennis at runner-up naman sa women’s basketball, men’s table tennis at men’s swimming.

Pumapangatlo sa kanila ang University of the Philippines na kampeon sa women’s swimming na may 123 puntos.

Pumang- apat ang Ateneo de Manila na nagkampeon sa men’s swimming at runner-up sa men’s basketball, men’s at women’s badminton, men’s judo at women’s swimming sa natipong 117 puntos. - Marivic Awitan