Dapat na isapubliko ni Pangulong Duterte ang kanyang medical records matapos niyang aminin kamakailan na halos araw-araw siyang sinusumpong ng migraine at may problema rin sa gulugod.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, sa ganitong paraan ay mapapawi ang pangamba ng sambayanan, na umaasang matatapos ng Presidente ang anim na taong termino nito.

“He should [release his medical records] because nagpahiwatig ng ganun (may iniindang sakit). All the more that the public should be informed, ano ba state ng health of the President. Kasi kung meron talagang sakit, sabihin talaga kung ano ‘yung ailment,” ani Lacson.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte sa harap ng Filipino community sa Cambodia nitong Martes na posibleng hindi niya matapos ang kanyang termino dahil sa kanyang mga nararamdaman.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Siya ‘yung ibinoto and he should be there until the end of his term. Pero kung nagkakaroon ng statement na issue, may sakit at ‘di makakatapos ng term, ano ba yun? Premonition? So we should also be worried,” paliwanag ni Lacson.

KAILANGANG MALAKAS SIYA

Sa isang panayam, sinabi naman ni Vice President Leni Robredo na dapat alagaan ni Duterte ang kanyang sarili dahil mahalagang malusog at malakas ang inihalal para pamunuan ang bansa.

“Tayo wini-wish din natin na kung ano ang nararamdaman ng ating pangulo, malagpasan niya,” ani Robredo. “Siya ‘yung ating hinalal na mamuno sa atin. Kailangang malakas ang pangulo natin.”

“Tingin ko matter of national interest na malaman natin kung ano ang pinagdadaanan niya,” dagdag pa ng Bise Presidente. (Leonel M. Abasola at Raymund F. Antonio)