VICTORIA, Tarlac - Sabit sa kasong malicious mischief at pag-iingat ng droga ang isang 32-anyos na lalaki matapos siyang maaktuhan ng mga pulis habang pinagbababato ang barracks ng isang foreman sa Barangay San Fernando sa bayang ito, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni PO3 Sonny Abalos ang suspek na si Christopher Chacon, ng Bgy. San Fernando, Victoria, na sinasabing nahulihan ng isang transparent plastic sachet ng hindi pa matiyak na gramo ng shabu.

Dakong 7:25 ng gabi at nagpapahinga si Wilfredo Tangca, 43, foreman, ng Bgy. Cabugao, Sto. Domingo, sa barracks nang lapitan siya ng suspek at humingi ng plywood na tinanggihan niya.

Nagalit si Chacon at pinagbabato ang barracks, na naaktuhan naman ng mga nagrespondeng pulis, hanggang sa makumpiskahan pa siya ng isang transparent plastic sachet na may droga. (Leandro Alborote)

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog