ANG henerasyong binansagang “MILLENNIALS” ang tinatayang kumakatawan sa malaking bahagi ng mga nakikipagtalastasan sa social media. Karamihan kasi sa kanila ay halos ginugugol ang mahabang oras sa buong araw sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan gamit ang kanilang mga cell phone, tablet, at laptop computer.
Ang pagiging inosente nila sa larangan ng kriminalidad, ang tinatarget naman ngayon ng mga manloloko sa pamamagitan ng Internet, na kung tawagin ng ating mga alagad ng batas ay “cyber criminals” na nagkalat ngayon sa cyber space, at ang sentro ng kanilang operasyon ay sa mga social media gaya ng Facebook (FB), Twitter, Instagram at mga Email.
Mga millennial ang sunud-sunod na nabibiktima ng mga manggagantsong ito sa Internet at ang isa sa pinakahuling kaso ay ang pagpatay sa 17-taong gulang na estudyanteng taga-Tanza, Cavite na si Melisa Magracia. Natagpuan sa gilid ng ilog ang kanyang bangkay sa Indang nitong Linggo ng umaga, ilang araw matapos siyang i-report na nawawala.
Huling umanong nakita si Melisa na kasama ang isang kaibigan at ka-chat sa Facebook na si Elrick Vidalio, 31, isang welder na nagkunwaring fashion model recruiter, at nangakong gagawing modelo ang biktima. Agad na dinampot ng mga pulis si Vidalio matapos itong kilalanin ng ilang testigo na nagsabing siya ang huling kasama ni Melisa papalabas ng paaralang pinapasukan nito bago nawala noong Disyembre 6. Inaalam pa ng mga imbestigador kung hinalay muna si Melisa bago pinatay.
Ang mga ganitong uri ng panloloko sa cyber space ay kadalasang nag-uumpisa sa pakikipag-chat sa Facebook na bagama’t ‘di pa nakikita sa personal ay agad na pinagtitiwalaan at binibigyan pa ng mga personal na impormasyon—gaya ng seksing mga larawan sa pagnanais na mag-artista o maging modelo—na sa katagalan ay magagamit sa pamba-blackmail.
Payo ng mga pulis, kung talagang ‘di maiwasang makipagkita sa inyong mga ka-chat, siguruhing may... makakasama sa lakad at makipagkita sa lugar na maraming tao at may mga closed-circuit television (CCTV) camera upang mailang ang kausap kung ito man ay may masamang balak.
Mag-ingat sa mga inumin at pagkaing iniaalok ng kausap lalo pa’t hindi mo nakita kung paano ito inihanda at saan kinuha ng taong kausap mo— maliban na lamang kung ito ay bahagi ng order sa restaurant na pinasok ninyo upang doon mag-usap.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)