KUNG ihahambing sa sakit sa puso ang malalang kalagayan ng trapiko sa Metro Manila, hindi na ito malulunasan ng operasyon lamang upang alisin ang mga bara sa ugat. Ang kailangan ay bagong puso.

Marami nang plano ang ginawa upang lutasin ang problema sa trapiko ngunit nananatiling masikip ang daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila.

Ito ay dahil ang solusyong isinasagawa ay ang pagbubukas ng mga bagong daanan, kabilang na ang mga flyover sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan. Itinaas lamang ang problema, ngunit nananatili pa rin ito.

Mananatili ang problema kahit magtayo ng patung-patong na flyover dahil sa bilis ng paglaki ng populasyon at kaunlaran.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Halimbawa, patuloy ang pagbebenta ng mga lupaing publiko sa Metro Manila para pagtayuan ng mga shopping mall, mga opisina at iba pang establisimiyento. Ang resulta, mas maraming tao at dagdag na trapiko. Sa ibang salita, mas mabilis ang paglala ng problema kaysa sa paglalatag ng solusyon.

Dahil dito, kailangang ibaling sa labas ng Metro Manila ang mga aktibidad sa pagpapaunlad, gaya ng mga Central Business District (CBD). Napakasikip na ng mga CBD sa Makati at Ortigas kaya nagmimistulang malaking parking lot ang mga kalsada rito dahil hindi na halos makagalaw ang mga sasakyan kapag rush hour.

Ang unang hakbang sa pagpapaunlad sa mga bayan sa labas ng Metro Manila ay ang pagtatayo ng imprastruktura sa nasabing mga bayan. Kailangan ang maraming kalsada at tulay na mag-uugnay sa mga lalawigan at lungsod. Kasabay nito, dapat paramihin ang mga luntiang pasyalan sa Metro Manila.

Ang solusyong ito sa problema ng trapiko sa Metro Manila ay magpapabilis din sa pag-unlad ng mga kanayunan. Ayon sa aking kaibigang si Finance Secretary Carlos Dominguez, ito rin ang layunin ni Pangulong Duterte upang lumikha ng maraming trabaho sa mga lalawigan, na siya ring lulutas sa kahirapan sa nasabing mga lugar.

Ito ang isa sa mga benepisyo ng pagkakaroon ng pangulo na galing sa Mindanao: nauunawaan niya ang kakulangan sa imprastruktura sa mga lalawigan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)