TINIYAK ni President Rodrigo Roa Duterte na mananatili sa puwesto si Leni Robredo bilang vice president hanggang matapos niya ang kanyang anim na taong termino (2022). Tiniyak naman ni beautiful Leni na mananatili rin sa puwesto si Mano Digong hanggang sa pagwawakas ng termino nito sa 2022. Ang pagtiyak ay ginawa ni Du30 sa Legazpi City (Albay) sa harap ng mga nagbubunying Bicolano (mga Uragon). Ang pagtiyak naman ni VP Robredo ay kanyang ginawa matapos tanggapin ang pagiging “boses” ng oposisyon bilang lider ng Liberal Party (LP).

Wala raw plano ang LP na pinamumunuan niya ngayon na patalsikin si Pres. Rody taliwas sa mga senaryo at haka-haka ng mga tagasuporta ng pangulo na “palalayasin” siya sa Malacañang ng mga “Dilawan” dahil sa extrajudicial killings, paglabag sa human rights, at paglabag sa Konstitusyon. Suportado pa rin nila si Du30 sa mga programa at proyekto para sa kabutihan ng bayan, pero kokontra sila sa mga usapin o bagay na sa palagay nila ay hindi makabubuti sa ‘Pinas.

Bulong sa akin ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, “Kung hindi babagsak ang kanyang (Du30) eroplano o siya ay makukudeta, tiyak hanggang 2022 siya sa puwesto.” Dunggol naman ni senior-jogger na nagbabasa ng diyaryo: “Tiyak na mananatiling VP si Leni kung hindi pakikinggan at aayunan ng Presidential Election Tribunal (PET) ang protesta ni ex-Sen. Bongbong Marcos.” At, kung talagang hindi makikialam si RRD, sagot ko.

Samantala, nananawagan si Mang Andres (Comelec Chairman Andres Bautista) kina Bongbong at Leni na huwag “magbangayan” at hayaang magtrabaho ang PET at magpasya sa election protest ni Bongbong laban kay Robredo. Pinayuhan niya ang dalawa na hayaang resolbahin ng PET ang protesta. Wala na raw sa hurisdiksiyon ng Comelec ang kaso. Noon, nagprotesta si Sen. Loren Legarda laban kay ex-Sen. Noli “Kabayan” de Castro dahil dinaya raw siya sa pagka-vice president nito.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Si Kabayan ay katambal noon ni ex-Pres. GMA na nakilala sa “Hello Garci” scandal. Tapos na ang termino ni Kabayan ay walang nangyari sa protesta ni Loren.

Nagbanta si Sen. Leila de Lima na isang “impeachable offense” ang pag-amin ni RRD na siya raw ang nag-utos sa mga opisyal at tauhan ng PNP Region 8 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng pagsalakay sa selda ni Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa na ikinamatay ng ama ni drug lord suspect Kerwin Espinosa. Hindi rin daw niya papayagang makulong ang mga ito dahil siya ang nag-utos. Itinanggi ng mga tagapagsalita ni Du30 na inatasan niya ang CIDG Region 8 at itinanggi rin ang pagkupkop sa mga ito. Ibig lang daw sabihin ay bibigyan ng mga abogado upang ipagtanggol sila. Sa panig ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, hindi “impeachable” ang pahayag ng pangulo.

Hindi pa “conclusive” ang inilabas na report ni Sen. Dick Gordon, chairman ng Senate Committee on justice and human rights, na nag-absuwelto kay Du30 sa pagkakasangkot sa extrajudicial killings. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kukuwesityunin ng mga senador ang Gordon report kapag inihain na ito sa plenaryo. Nagrereklamo sina Sens. De Lima at Antonio Trillanes kung bakit tinapos agad ni Gordon ang pagdinig gayong marami pang testigo ang magsasalita tungkol sa EJK, kabilang ang mga saksi ng Commission on Human Rights. Binira ni Trillanes si Gordon bilang “Duterte’s lackey” o tuta ng pangulo. (Bert de Guzman)