Hiniling ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee kahapon ang masusing imbestigasyon ng pinakamahuhusay na imbestigador ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa mga misteryosong pagpatay sa 4,000 katao ng mga diumano’y ‘’vigilantes’’ o ng ‘’riding in tandem’’ sa patuloy na kampanya ni Pangulong Duterte laban sa illegal drug trade sa bansa.
Sa pagdinig ng komite na kanyang pinamumunuan, nagpahayag si Sen. Panfilo M. Lacson, dating PNP chief, ng pagkabahala sa mga kaso ng tinatawag na extra judicial killings (EJKs).
‘’If we talk of 6,000, that’s 4,000 allegedly done by vigilantes or those riding in tandem in a matter of six months,’’ ani Lacson.
Ang six-month period na kanyang tinutukoy ay nagsimula noong Hulyo 1, 2016 sa pag-upo ng Duterte administration.
Kaya’t pinayuhan ni Lacson si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na bumuo ng task force na uusig sa sunod-sunod na patayan sa bansa, partikular sa isyu ng ‘’DUI’’ o ‘’death under investigation’’ na isinasagawa ng ‘’vigilantes’’ o ‘’riding in tandem.’’
“Ang challenge sa PNP nito, I would advise Gen. dela Rosa to form a special task group composed of intelligence and investigative personnel to address this particular issue, yung death under investigation. We want to see a more vigorous, more vigilant effort on the part of the PNP and NBI and the entire government, in addressing ang mga vigilante killings kasi nakakaalarma na rin,” sabi ni Lacson. (Leonel M. Abasola at Mario B Casayuran)