richard-janella-jean-at-enchong-copy

“HINDI naman ako namimili ng role, wala lang talagang offer. Three years din akong tengga sa serye,” pag-amin ni Enchong Dee nang makausap namin pagkatapos ng celebrity screening ng Mano Po 7: Chinoy ng Regal Entertainment nitong nakaraang Biyernes.

Pero masayang ikinuwento ng aktor na kasama siya sa serye nina Bea Alonzo at Ian Veneracion na A Love To Last at gustung-gusto niya ang papel niya dahil kakaiba, wala siyang ka-love team, at inaming support lang siya.

Nasubukan na niyang maging bida, bakit pumayag siyang maging suporta?

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

“Maganda kasi ‘yung role, gustung-gusto ko, basta abangan mo na lang, hindi ko puwedeng sabihin pa,” napangiting sabi ni Enchong.

Mabuti na lang daw habang wala siyang teleserye ay may mga pelikula siyang ginawa at laking pasasalamat niya kina Mother Lily Monteverde at Ms. Roselle Monteverde-Teo na binibigyan siya ng trabaho.

Ini-enjoy niya Enchong ang offbeat roles na iniaalok sa kanya.

“Ang galing nga, kasi iba-ibang role ang ibinibigay sa akin nina Mother at Ms. Roselle. Dati ginawa akong bangkay (sa I Love You To Death) at ngayon (sa Mano Po 7), ginawa naman akong adik.

“Parang ang sarap mo laruin, hindi ‘yung lagi na lang boy next door. Paano mo maipapakita ‘yung galing mo kung hindi ka naman nabibigyan ng pagkakataon?” kuwento ni Enchong.

Pinuri ang acting niya sa kanyang karakter na adik sa Mano Po 7 at tinanong kung ad lib lang iyong eksenang nasa loob siya ng rehabilitation center habang nag-uusap sila ni Jessy Mendiola.

“Hindi saktong adlib, kung baga ibinigay sa akin ni Direk Ian (Lorenos) ‘yung sitwasyon, kung baga ako na bahala, so ginawa ko naman ‘yung paraang alam ko, so far nagustuhan, click naman,” napangiting sagot ng aktor.

Sa naturang eksena, kinakausap ni Enchong si Jessy na bagong pasok at binanggit niyang, ‘Dati akong adik, (sabay pisil sa kanang bahagi ng ilong) ikalawang beses ko na rito at sa tingin ko, huli na ito, hindi na ako babalik.

Siya nga pala, ako si Wilson, Jr., adik,” sabay abot ng kamay niya kay Jessy. Nagtawanan ang lahat ng mga nanonood sa eksena nila.

“Salamat at nagustuhan ninyo,” sambit ng binata.

Mukhang sa pagtatrabaho idinadaan ni Enchong ang pagiging single ulit niya simula nang maghiwalay sila ng girlfriend niyang si Samantha Lewis na may bagong boyfriend na kaagad.

Ayaw nang pag-usapan ng aktor ang ex-girlfriend.

“Hayaan na lang natin siya. Naging maayos ang paghihiwalay namin, at saka naging magkaibigan kami. Bago siya umalis, nagkita pa kami, so maluwag ‘yung (paghihiwalay).,” kuwento ng aktor. (Reggee Bonoan)