TINATAWAG ang ikatlong Linggo ng Adbiyento bilang “Gaudete Sunday,” na ang kahulugan ay “Sunday of Joy.”

Ang panahon ng Adbiyento ay hindi lang panahon ng pagpepenitensiya kundi panahon din na ang mga mananampalataya ay pinapayuhang magalak sa pagdating ng ating Panginoong Kristo Jesus ng Nazareth. Inihahayag ng mga liturhiyang ngayon na darating uli si Hesukristo para ipakita ang kaluwalhatian ng Diyos at maibalik ang lahat ng mga bagay sa Kanya. Sa pagdating ni Hesukristo, mananalo ang mabuti laban sa masama, mananaig ang hustisiya sa lahat ng uri ng kawalan ng hustisiya sa lipunan; magtatagumpay ang buhay laban sa kamatayan. Maghahari ang Diyos sa ating lupain at sa buong mundo.

Muli, ipinakikilala ng ebanghelyo si Juan Bautista bilang huling propeta na maghahanda sa bansa ng Israel para sa pagbabalik ni Hesus na Tagapagligtas. Hindi nakatakas si Juan Bautista, tulad na lamang ng iba pang mga propeta sa Lumang Tipan, sa pag-usig at paghusga ng mga namumuno at mayayaman sa lipunan. Tinawag siya sa maraming pangalan.

Ngunit nagpatuloy siya sa kanyang landasin at misyon para sa Mesiyas.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ngayon, mayroon tayong mga propeta, na nanawagan ng pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob. Katulad ni Juan Bautista, itinuturo nila sa atin ang landas patungo kay Kristo. Nakikinig ba tayo sa kanila? Nakikinig ba tayo sa kanilang paanyaya ng pagbabalik-loob at pagyakap sa mga katuruan ng ebanghelyo? Lahat tayo ay tinawag upang maging propeta na tagapaghanda sa pagdating ni Kristo tulad ni Juan Bautista. Bilang mga miyembro ng Simbahan, na bahagi ng Isang Katawan ni Kristo, bokasyon natin na maging propeta sa ating panahon.

Sa patuloy nating paglalakbay ngayong Adbiyento, huwag nating katakutan ang mga propeta at ang kanilang mga mensahe.

Sa pakikinig sa kanilang mensahe ng pagbabalik-loob at pagiging totoo sa ating sarili, saka lamang natin matutuklasan ang tunay na kaligayang dala-dala ni Kristo na ang pagbabalik ay ating pinaghahandaan.