KIDAPAWAN CITY – Sa pamamagitan ng programang Enhanced Justice on Wheels (EJOW) ng gobyerno ay pinalaya nitong Biyernes ang 120 bilanggo sa North Cotabato kasunod ng marathon hearing ng mga hukom mula sa tatlong regional trial court sa lungsod na ito sa mga kasong kinakaharap ng mga ito.

Sa isinagawang outdoor trial proceedings sa bakuran ng kapitolyo nitong Biyernes, may kabuuang 370 “overstaying” na bilanggo na ang napalaya simula nang ipatupad ni Gov. Emmylou Talino-Mendoza ang EJOW noong 2012.

Nasa 89 na bilanggo ang napalaya sa lalawigan noong 2012, habang 161 naman noong 2014, ayon sa mga record mula sa tanggapan ng gobernador.

Sinabi ni Supt. Peter Bongngat Jr., North Cotabato provincial warden, na karamihan sa mga bilanggo ay nanatiling nakapiit nang higit pa sa sentensiyang katumbas ng kanilang kaso, kahit pa nahatulan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon naman sa mga tauhan ng bilangguan at ng korte, tatagal ang EJOW proceedings hanggang bukas, Lunes, at 33 pa ang inaasahang mapalalaya. (Ali G. Macabalang)