ITUTULOY pa rin daw ng Department of Justice (DoJ) ang imbestigasyong ikinasa na niya laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.
Ito ang pagtitiyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kasunod ng pahayag ni Pangulong Digong na hindi niya papayagang makulong ang mga pulis na ito na, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), ay rubout o planadong pagpapatay ang kanilang ginawa sa alkalde.
Salungat ito sa kanilang sinabi na nanlaban si mayor nang isinisilbi na sa kanya ang search warrant para rekesahin ang seldang kinapipiitan niya. “Hindi maapektuhan ng pahayag na ito ng Pangulo ang imbestigasyon,” pagsisiguro ng kalihim.
Sinabi ni Presidential Communication Secretary Martin Andanar na ang pahayag ng Pangulo ay hindi dapat ipakahulugan na pakikialaman niya ang imbestigasyon laban sa mga pulis para sila maabsuwelto.
Pakikiisa lang daw niya ito sa kanila para mapanatili ang morale ng Philippine National Police (PNP) sa ginagawa niyang kampanya laban sa ilegal na dorga.
Tutulungan lang ng Pangulo ang mga ito sa uri ng legal assistance, wika naman ni Presidential Assistant Secretary Marie Banaag. Maaaring ito rin ang gawin ng Pangulo para hindi sila makulong, ayon naman kay PNP Chief Ronald dela Rosa. Marahil, aniya, kapag lumabas na ang arrest warrant laban sa kanila, tutulungan sila sa korteng nag-isyu nito upang maging homicide, hindi murder ang kaso para makapagpiyansa sila.
Gaya ng dati, may mga opisyal ng Pangulo ang nagpapaliwanag na naman sa kanyang tinuruan na para bang malabo pa ito.
Ang linaw na nga ng sinabi niya na ayaw niyang makulong ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Espinosa.
Ipinagdiinan pa niyang nasa ilalim niya ang NBI tulad ng PNP. Ano pa ang dapat ipaliwanag dito? Kung hindi pakikialam sa anumang gagawing laban sa mga pulis, ano pa ang itatawag dito? Ah, utos. Para bang sinabi niya sa DoJ at NBI na parehong kontrolado niya na bahala na kayong gumawa ng paraan, basta ayaw kong makulong ang mga pulis.
Napakabigat ng epekto nito sa binabatikos na nating sistema ng hustisya. Sa level pa lang ng preliminary investigation ay marami nang magaganap. Alam na kaya ng mga pulis ang mga ebidensiya laban sa kanila nang pinalabas sila sa restrictive custody at pinahintulutan ni Gen. Dela Rosa na makauwi sa Leyte?
Kaya sila pinayagang makauwi sa probinsiya, ayon na rin sa heneral, ay para makapangalap ng mga ebidensiyang gagamitin naman nila sa kanilang depensa. Mapalad ang mga pulis na ito dahil nakapanig sa kanila ang pangulo, ang karapatan nila sa due process ay masyadong isinagalang.
Ang abangan na lang natin ay kung sisipot ang mga testigo ng NBI at hindi mawawala o mababago ang mga dokumentong nasa kanilang kamay. O kaya, paano ito babasahin ni Kalihim Aguirre. (Ric Valmonte)