HINDI nagbabago ang aking pananaw na isang panaginip o produkto ng imahinasyon ang mga pangako tungkol sa paglipol ng ilegal na droga, krimen at katiwalian sa New Bilibid Prison (NBP). Wala itong pinag-iba sa mga panaginip ng mga nanungkulan noong mga nakalipas na administrasyon na humantong lamang sa pamamayagpag ng mga bulok na pamamalakad sa naturang piitan.
Subalit matindi ang paninindigan ni retired PNP Chief Superintendent Benjamin delos Santos, bagong director ng Bureau of Corrections (BuCor): “I will just be following the mantra of the President and Secretary of Justice get rid of crime, corruption and drugs”. Ibig sabihin, gagawin niya ang lahat upang magkaroon ng mga pagbabago sa BuCor na sumasakop sa NBP, correctional for women at sa mga penal colonies sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Ang mga ito ay pinamumugaran pa rin ng mga alingasngas na dapat lipulin ng bagong pamunuan ng nasabing ahensiya.
Magiging katuwang niya sa napakalaking misyong ito ang bagong batalyon ng PNP Special Action Force (PNP-SAF). Nauna nang nagtalaga ng ganitong puwersa noong mga unang buwan ng Duterte administration dahil sa maliwanag na kawalan ng kakayahan ng NBP security forces sa ‘paglilinis’ sa nasabing bilangguan.
Ang naunang PNP-SAF ay nakakumpiska ng katakut-takot na mga kontrabando na tulad ng matatalim at matutulis na panaksak, baril at eksplosibo, shabu at marijuana, at milyun-milyong piso. Sa kabila nito, talamak pa rin ang mga bawal na gamot at katiwalian na nakalulusot sa mahigpit na pagmamatyag ng mga alagad ng batas. Katunayan, natuklasan sa kisame ng NBP hospital ang mga baril na sinasabing pag-aari ng mga high-profile inmate.
Ang ganitong mga eksena ay palasak noong nakaraang administrasyon. Sa kabila ng sunud-sunod na paglulunsad ng Oplan-Galugad, tila hindi nabawasan ang kontrabando; hayagan ang bentahan ng shabu na ipinapasok ng mga drug lord na kinabibilangan din ng mismong mga bilanggo. Maliwanag ang pagbubulag-bulagan ng mga awtoridad na kasabwat sa talamak na kurapsiyon na humantong sa kaliwa’t kanang imbestigasyon sa Senado at Kamara.
Ang paglipol sa naturang mga tiwaling pamamahala ang malaking hamon sa bagong hepe ng BuCor. Kailangang pawiin niya ang pananaw na ang kanyang matinding paninindigan ay hindi produkto ng panaginip o imahinasyon. (Celo Lagmay)