lasalle-copy

UAAP Finals winalis ng La Salle; Mbala MVP.

Pumailanlang ang hiyawang Animo La Salle sa makasaysayang Araneta Coliseum.

Sa isa pang pagkakataon, itinanghal na kampeon sa UAAP men’s basketball ang Green Archers.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Nagpakatatag ang La Salle sa mahigpitang duwelo laban sa mahigpit na karibal na Ateneo para matudla ang kampeonato sa pahirapang, 79-72, kahapon sa Game 2 ng championship series.

Kumamada si Season MVP Ben Mbala sa natipang 18 puntos at siyam na rebound, kabilang ang makasira rim na two-handed slum dunk at put back sa krusyal na sandali para sandigan ang Green Archers sa pagwalis sa best-of-three title series.

Nagawang maibaba ng Blue Eagles ang 11 puntos na bentahe ng Archers sa final period mula kina Mike Nietoa at Go para maidikit ang iskor sa 69-73 may 1:35 sa laro.

Hindi tumawag ng time out si La Salle coach Aldin Ayo na naging daan para makagawa ng magandang play ang Archers.

Nanatiling nakadikit ang Ateneo bago naisalpak ni Jeron Teng ang dalawang free throw para sa 78-72 may 43 segundo sa laro.

Nanguna si Teng sa naiskor na 28 puntos at tatlong rebound.

Nauna rito, nakumpleto ng National University Lady Bulldogs ang matikas na kampanya nang gapiin ang La Salle Lady Archers, 96-72, para sa makasaysayang three-peat.

Nagtala kapwa sina Mythical Team members Gemma Miranda at Jack Animam ng double-double performance upang pamunuan ang tagumpay ng Lady Bulldogs.

Umiskor si Miranda ng 25 puntos at 13 rebound, habang nagdagdag si Amimam ng 16 puntos at 18 rebound para sa NU na hinila ang kasaysayan na 48-game winning streak. Hindi pa natatalo ang Lady Bulldogs mula noong 2014.

Nag-ambag naman si Season MVP Afril Bernardino ng 18 puntos, anim na rebound, siyam na assist at tatlong steal.

Mula sa 26-15 bentahe sa first period, umarya ang Lady Bulldogs para palawigin ang bentahe sa pinakamalaking 30 puntos papasok sa final period.

Nanguna para sa Lady Archers si Khate Castillo na tumapos na may 15 puntos, anim na rebound at apat na assist.

(marivic awitan)