ALAM ba ninyong may balak daw si ex-Pres. at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na sampahan ng kasong kriminal si ex-Pres. Benigno ‘Noynoy’ S. Aquino, alyas PNoy, na responsable sa lahat ng plunder charges laban sa kanya noong ang binatang pangulo (hanggang ngayon yata ay binata pa rin) ay nakaupo pa sa Malacañang?
Kung natatandaan pa ninyo, dalawang non-bailable plunder charges ang ikinaso ng PNoy administration noon— ang una ay noong Nobyembre 2011 at ang ikalawa ay noong Oktubre 2012. Ang unang kaso ay tungkol sa electoral sabotage sa utos mismo ni PNoy kaya hindi siya pinayagang makalabas sa bansa kahit nasa airport na siya. Imagine, wala pa namang hold-departure order (HDO) laban kay GMA noon. Ang ikalawa ay hinggil sa non-bailable plunder charge dahil sa P366 milyong intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO na “ginalaw” daw ni GMA para gamitin sa eleksiyon).
Ang dalawang kaso ay parehong idinismis ng Supreme Court (SC). Gayunman, nakulong at nagdusa si Aleng Maliit (GMA) under hospital arrest ng mahigit na apat na taon sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) bunsod lang umano ng galit ni PNoy at sa takot naman ng mga korte na hadlangan ang nais ng dating pangulo. Nang maupo sa puwesto si President Rodrigo Roa Duterte, lahat ng kaso ni GMA sa Sandiganbayan ay kara-karakang idinismis.
Hindi lang pala sina Sen. Leila de Lima, Ombudsman Conchita Carpio-Morales, ex-BIR Commissioner Kim Henares at ex-COA chairperson Grace Pulido-Tan ang may mga “yabols” kundi maging si beautiful Vice President Leni Robredo. Kung ngayon ay nanginginig sa takot ang karamihan sa mga senador, congressman, general at mga lider kay Mano Digong, ibahin ninyo si VP Leni. Mga senador at kongresista nagsiurong ba ang inyong mga “bayag”?
Nang mag-text sa kanya si Secretary of the Cabinet Leoncio “Jun” Evasco noong Sabado na huwag na raw siyang dumalo sa mga cabinet meeting sa Malacañang sa utos ni Pres. Rody, agad-agad ay nag-resign si VP Leni bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDDC). Ayon kay beautiful Leni, kailangan niyang magbitiw dahil mawawalang-bisa ang pagtatrabaho niya bilang hepe ng HUDCC kung hindi na siya dadalo pa sa mga meeting.
Sapul pa noon, ayon kay Robredo, batid ni Pangulong Duterte na magkaiba ang kanilang paniniwala sa iba’t ibang isyu, pero dahil pareho silang may mandato sa taumbayan, puwede namang magkaisa sila para sa kabutihan at kagalingan ng bansa. Mukhang hindi minamabuti ni PRRD ang mga pagkontra at komento niya sa mga desisyon nito, tulad ng paglibing kay ex-Pres. Marcos sa Libingan ng mga Bayani, extrajudicial killings, mababang pagtingin sa kababaihan at iba pang mahalagang isyung pambansa.
Kung nakinig o nanood kayo sa Senate hearing ng Senate Committee on public order na pinamunuan ni Sen. Lacson, baka madismaya kayo sa iba’t ibang pahayag ng mga resource person, gaya nina Kerwin Espinosa, umano’y drug lord, Ronnie Dayan, driver-bodyguard-lover ni ex-DoJ Sec. Leila de Lima (ngayon ay senadora na), Supt. Marvin Marcos, hepe ng PNP Region 8 Criminal Investigation Group (CIDG), at Albuera Police Chief Jovie Espenido.
Kapansin-pansin na higit nilang inipit si Dayan, lalo na ni boxer-senator Manny Pacquiao, upang paaminin na kilala niya ang mga drug lord sa New Bilibid Prison, na siya ang collector at bagman ni De Lima para gamitin sa eleksiyon.
Nang hindi mapaamin ni Pacman si Dayan, iginiit ng senador na nagsisinungaling si Dayan kaya pina-cite in contempt niya ito. Eh, bakit sina Kerwin, Marcos at Espenido na hindi rin umano nagsasabi ng katotohanan ay hindi pina-cite in contempt? (Bert de Guzman)