ITINAKDA ng batas ang ika-30 ng Nobyembre bilang Araw ng mga Bayani upang gunitain, hindi lamang ang kamatayan ni Andres Bonifacio na nangyari sa araw na ito, kundi ang marami at hindi mabilang na bayani ng bayan.

Si Bonifacio, na isinilang sa Tondo, ay napilitang maghanapbuhay sa gulang na 14 upang itaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Hindi siya nakapagtapos ngunit pinagyaman ang sariling karunungan sa pamamagitan ng pagbabasa.

Naging paksa ng pagtatalo kung si Bonifacio ay tunay na maralita o galing sa pamilyang nakaaangat sa buhay. Para sa akin, hindi ito ang mahalaga kundi ang katotohanan na naunawaan niya ang pakikibaka gamit ang sipag at tiyaga upang mabuhay. Ang kanyang pakikibaka ay humantong sa paglaban sa panunupil ng banyagang puwersa at sa rebolusyon para sa kalayaan ng kanyang bayan.

Nang tumakbo ako sa pagkapangulo noong 2010, isa sa mga negatibong propaganda na ibinato sa akin ay ang kasinungalingan na hindi ako galing sa mahirap na pamilya. Sa napakaraming paninira sa akin, ito ang maituturing kong isa sa mga pinakamasakit.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ang mga nanira sa akin ay mga taong ipinanganak na may nakasubong kutsarang pilak, na hindi nakatikim magbanat ng buto sa buong buhay nila. Hindi nila naranasan ang gumising ng madaling-araw at maglakad sa Divisoria upang maglako ng isda at hipon.

Maaaring natalo ako dahil sa mga paninirang ito, ngunit hindi nawala ang aking dangal.

Naunawaan ni Bonifacio ang kahalagahan ng kasipagan. Ayon sa kanya, ito ang saligan ng pagmamahal sa sarili, sa asawa at mga anak, at sa mga kapatid at kababayan.

Itinuro niya sa mga Katipunero na ang pagpapahalaga sa kasipagan ay pagmamahal sa bayan. Ito ang dahilan kung bakit sa Araw ng mga Bayani ay pinararangalan ang mga ama na gumigising nang maaga upang magtrabaho, ang mga nanay na naghahanapbuhay sa malayong bansa upang mabigyan ng maayos na edukasyon ang kanilang mga anak, at ang mga manggagawa sa pabrika na gumagawa nang labis sa oras upang matiyak na may pagkain sa hapag-kainan. Sila ang mga bayaning Pilipino.

Gusto kong banggitin ang mensahe ni Pangulong Duterte sa paggunita sa Araw ng mga Bayani sa taong ito: “Bawat araw ay isang paanyaya upang ilaan ang ating buhay sa makabuluhang layunin;... upang iangat ang uri ng pamumuhay ng ating mga kababayan; at upang ibalik ang pagmamalaki at karangalan bilang isang bansa.”

Ito ang hamon sa makabagong Pilipino. Paano natin pahahalagahan ang ating mga bayani? Sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang halimbawa, sa pamamagitan ng kasipagan at sa patuloy na pagsisikap upang palayain ang maraming Pilipino sa kadena ng kahirapan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)