WALANG dapat ikagulat sa pagbibitiw ni Vice President Leni Robredo sa Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte. Dapat lamang asahan ang biglang paghihiwalay ng landas ng Pangulo at ng Vice President, lalo na kung isasaalang-alang ang pagkakaiba ng kanilang partido at paninindigan sa mga patakaran na magpapabuti sa sambayanan.

Sa kanyang pagre-resign, naunawaan ko ang tinukoy niyang tatlong makatuturang isyu na taliwas sa mga simulain ng Duterte administration: Paghimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, extra-judicial killings, muling pagpapatupad ng parusang kamatayan, at sexual attacks against women.

Ang mga naturang paninindigan ni Duterte ay natitiyak kong matagal nang batid ni Robredo; ipinagsisigawan na ng Pangulo ang mga ito noon pang panahon ng presidential campaign. Bakit tinanggap pa niya ang Cabinet post bilang hepe ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC)? Delicadeza ba ang tawag dito?

Totoong hindi nabigla ang sambayanan sa pagbibitiw ni Robredo. Subalit labis ang kanilang pagkalito sapagkat ang Vice President ay sinasabing mistulang sinibak ng Pangulo nang siya ay pinagbawalang dumalo sa nakatakdang Cabinet meeting kahapon sa Malacañang. Nangangahulugan na siya ay itiniwalag na sa official family ng Pangulo. Siya kaya ay isa nang kalabisan sa kasalukuyang administrasyon? Ang kanya kayang desisyon ay bunga ng pag-uudyok ng kinaaaniban niyang lapian?

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Hindi na bago sa taumbayan ang paghihiwalay ng landas ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Noong panahon ni Presidente Cory Aquino, humiwalay din sa kanyang administrasyon si Vice President Salvador Laurel sa kalagitnaan ng kanilang panunungkulan sa mga kadahilanang sila lamang ang nakabatid.

Ganito rin ang nangyari noong panunungkulan ni Presidente Fidel Ramos nang magbitiw din si Vice President Erap Estrada bilang crime czar. Personal kong nasaksihan ang naturang pangyayari.

Maging si noo’y Vice President Gloria Arroyo ay nagbitiw din sa tungkulin sa Gabinete ni Estrada. Wala namang ganitong balasahan noong kanyang panunungkulan sapagkat si Vice President Noli de Castro ay nanatili sa Arroyo administration. Katunayan, malimit siyang itinatalagang acting president kapag umaalis ng bansa si Arroyo.

Bumitiw din si Vice President Jejomar Binay bilang HUDCC chairman noong panahon ni Presidente Benigno Aquino dahil sa mga hidwaang pampulitika. Talagang magkakahawig ang kapalaran ng mga Vice President. (Celo Lagmay)