Tinitingnan ngayon ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang Russia bilang alternatibong destinasyon ng mga skilled overseas Filipino worker (OFW), na nawalan ng trabaho sa Kingdom of Saudi of Arabia (KSA).

Sa isang pahayag, sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na mataas ngayon ang demand ng Russia sa mga manggagawa para sa oil at construction industry, na maaaring pasukin ng mga OFW na nanggaling sa Saudi.

“We noticed there is a decline in the demand for overseas workers (in Saudi) due to the collapse in the price of oil...Russia may be a good alternative market for them since workers there are well paid,” ani Bello.

Nitong Hulyo, nagkaloob ang DoLE ng assistance sa 11,000 stranded OFWs, na natanggal sa trabaho sa pagkalugi ng ilang kumpanya sa Saudi. Ang ilan sa mga OFW na ito ay nagpahayag ng kagustuhan na muling makapag-abroad.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Bello na inirekomenda na niya kay Pangulong Duterte na ikonsidera ang pagpapalakas ng labor relations ng bansa sa Russia sa inaasahang pagbisita ng Pangulo roon sa susunod na taon.

“I already sent a memo to the President requesting him to include the possible deployment of skilled and professional workers to Russia,” ani Bello.

Batay sa huling datos ng pamahalaan, mayroong 4,000 OFWs sa Russia noong 2014. (SAMUEL P. MEDENILLA)