Russell Westbrook

Westbrook, lumapit sa marka ni MJ; Knicks at Magic kumabig.

OKLAHOMA CITY (AP) – Tila hindi kawalan sa Thunder ang pagkawala ni dating franchise player Kevin Durant.

Sa pangunguna ni Russel Westbrook, tinaguriang ‘Mr. Triple Double’ ngayong season, patuloy ang dagundong ng Thunder sa impresibong 101-92 panalo kontra New Orleans Pelicans nitong Linggo (Lunes sa Manila).

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Hataw si Westbrook sa natipang 28 puntos, 17 rebound at 12 assist para sa ikalimang sunod na triple-double at sandigan ang Oklahoma City sa ikalimang sunod na panalo.

Sa kasalukuyan, dalawang laro na lamang ang layo ng OKC guard para pantayan ang marka ni Michael Jordan na pitong sunod na triple-double na nagawa ng basketball legend noong 1989.

Nag-ambag si Enes Kanter ng 17 puntos mula sa 7-of-13 shooting, habang tumipa si Victor Oladipo ng 15 puntos.

Natikman ng Pelicans ang ikalawang sunod na kabiguan at ika-14 sa 21 laro.

Nanguna sa Pelicans si Anthony Davis sa nakubrang 37 puntos at 15 rebound.

KNICKS 106, KINGS 98

Sa Madison Square Garden, nahila ng New York Knicks ang losing skid ng Sacramento sa tatlo nang paluhurin ang Sacramento Kings.

Kumawala sina Derrick Rose at Carmelo Anthony sa natipang tig-20 puntos para sa ika-11 panalo sa 20 laro.

Kumubra si Brandon Jennings ng 19 puntos para sa New York.

Nabalewala ang matikas na 36 puntos ni Kings forward DeMarcus Cousins, habang nagsalansan si Rudy Gay ng 22 puntos.

MAGIC 98, PISTONS 92

Sa Detroit, dismayado ang home crowd nang idiskaril ng Orlando Magic ang matikas na simula ng Pistons.

Pinangunahan ni Serge Ibaka ang ratsada ng Magics sa naiskor na 21 puntos, kabilang ang krusyal na opensa sa second period para agawin ang bentahe at tuluyang kontrolin ang laro.

Nag-ambag si Nikola Vucevic ng 16 puntos, habang tumipa si Jeff Green ng 14 puntos para sa Magic, matikas na sinundan ang pahirapang panalo sa Philadelphia 76ers.

Pinutol ng Magic ang three-game winning streak ng Pistons na sumandig sa nagbabalik aksiyon na si Reggie Jackson na kumana ng 18 puntos.

Nanguna si Marcu Morris sa Pistons sa natipang 21 puntos.

PACERS 111, CLIPPERS 102

Naisalba ng Indiana Pacers ang double digit na paghahabol para patahimikin ang Los Angeles Clippers.

Nanguna si Thaddeus Young sa paghahabol ng Pacers mula sa 15 puntos na bentahe ng Clippers sa first period para angkinin ang ika-10 panalo sa 20 laro.

Tumapos si Young na may 17 puntos, habang kumubra sina Paul George at Rodney Stuckey ng 16 puntos.

Nanguna si Blake Griffin sa Clippers sa naharbat na 24 puntos at 16 rebound, habang kumana si Chris Paul ng 18 puntos at 11 assist.