SA wakas, lumabas din ang katotohanan kung bakit naibalik (reinstate) si Supt. Marvin Marcos bilang hepe ng PNP Region 8, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na namuno sa pagsisilbi ng search warrant laban kay Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa noong madaling araw ng Nobyembre 5 na nagresulta sa pagkamatay nito dahil nanlaban daw. Si Espinosa ay nakakulong sa Baybay (Leyte) sub-provincial jail.

Lumilitaw ngayon na mismong si President Rodrigo Roa Duterte ang nag-utos kay presidential aide Christopher “Bong” Go na tawagan si PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa upang ma-reinstate si Marcos. Nangyari ang barilan sa loob ng selda ni Espinosa, ama ng itinuturing na drug lord sa Eastern Visayas na si Kerwin. Samakatuwid, kung hindi naibalik sa puwesto si Marcos, hindi marahil napatay sa “engkuwentro” ang alkalde sa loob mismo ng bilangguan.

Sina Marcos at iba pang pinuno at tauhan ng Region 8 CIDG na nagtungo noong madaling araw sa selda ay kasama sa listahan ng drug payola ni Kerwin at ng kanyang ama.

Natatandaan pa ba ninyo na pagdating ni Mano Digong mula sa Malaysia, agad niyang sinabi na higit niyang pinaniniwalaan ang bersiyon ng PNP Region 8 CIDG na nakipagbarilan si Espinosa habang isinisilbi ang search warrant sa kanya. Si Kerwin naman ay iba ang paniniwala. Ang bersiyon naman ng mga jail guard at iba pang saksi sa pangyayari ay taliwas sa Region 8 CIDG version: Hindi nanlaban si Mayor Espinosa at wala itong baril.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Kapuri-puri si Gen. Bato nang ihayag niya na isang mataas na opisyal kaysa kanya ang nag-utos na ibalik si Marcos sa puwesto. Tama rin si Sen. Leila de Lima na si Bong Go ang tumawag kay Bato. Inamin ni Pres. Rody na inutusan niya si Bong Go na tawagan si Bato upang ma-reinstate si Marcos. Samakatuwid, hindi solido ang suporta ng buong PNP kina Bato at Du30 sapagkat ang “reliable source” ni De Lima ay mula mismo sa hanay ng kapulisan.

Nagkausap sina Pres. Rody at US President-elect Donald Trump ng ilang minuto noong gabi ng Disyembre 2. Binati ni Rody si Donald sa kanyang panalo laban kay Hillary Clinton. Hindi ibinigay ang mga detalye ng dalawang prangka at bruskong presidente maliban sa pagsasabing ito ay “animated and engaging.” Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko matapos lumagok ng mainit na kape: “Naintindihan kaya ni Trump ang English ni Du30?”

May mga indikasyon na ang “frosty relations” o malamig na relasyon ni Mano Digong kay US Pres. Barack Obama ay baka “mag-init at maglagablab” ngayong si Mr. Trump na ang magiging pangulo ng tanging superpower sa mundo, ang Estados Unidos. Handa raw si RRD sa “fresh start” sa bagong lider ng mga Amerikano na si billionaire Donald Trump na isa ring “makulay na personalidad” tulad ng machong pangulo ng ‘Pinas.

Dagdag ng senior-jogger na may sariling opinyon:”Parang namamangka ngayon si Pres. Duterte sa dalawang ilog— sa China-Russia at sa US. Para siya ngayong isang darling na sinusuyo ng dalawang manliligaw o lover. Una niyang tinanggap sina Xi Jinping (China) at Vladimir Putin (Russia), at ngayon naman ay si Donald Trump (US).” May balita pang inimbitahan ni Donald si Rody na bumisita sa US. Inimbitahan naman ni Rody si Donald na dumalo sa Asean Meet na gaganapin sa ‘Pinas sa 2017.

Samantala, sinabi ni Sen. De Lima, target ng insulto at panghihiya ni Du30, na ang pangulo ay “isang tired, old narcissist waging psychological warfare against Filipinos” upang mapagtakpan daw ang kanyang kawalang-kakayahan (incompetence) at kabiguan. Yumao na si Sen. Miriam Defensor-Santiago na magaling sa high-falutin words, pero naririto ngayon si Delilah, este De Lima na nagpapasabog din ng matataas na English words. Dear readers, konsultahin ninyo mula ngayon ang Webster’s New World Dictionary o kaya’y pumunta sa Wikipedia at tingnan ang kahulugan ng misogyny, narcissism, bipolar, sexist, at iba pa. (Bert de Guzman)