BAGO ang pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr. noong Nobyembre 5, sinibak na pala ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa si Supt. Marvin Marcos bilang pinuno ng CIDG, Region 8 dahil sangkot umano ito sa ilegal na droga.
Sa kanyang pagbabalik, pinamunuan niya ang grupong may bitbit na search warrant upang rekesahin ang kinalalagyan ng alkalde para sa droga at armas, pero napatay nila ito dahil nanlaban daw sa kanila. Kaya, naging isyu iyong pagbabalik ni Marcos sa kanyang puwesto.
Nitong nakaraang Huwebes, sinabi ni Sen. Leila de Lima na si presidential special assistant Christopher “Bong” Go ang siyang nag-utos kay Gen. Dela Rosa na ibalik si Supt. Marcos sa kanyang posisyon. Isang opisyal daw ng PNP ang nagsabi sa kanya na ayaw niyang pangalanan. Ipinagkaila pareho nina Go at Dela Rosa ang tinuran ng Senadora.
Hindi si Go, ayon kay Dela Rosa, ang nagpabalik sa kanya kay Marcos kundi isang “compadre”. Sa pakikipag-usap ni Pangulong Digong sa mga mamamahayag sa Davao City, inamin niya na siya ang nag-utos kay PNP Chief na ibalik si Supt. Marcos sa puwesto.
“Sinabi ko sa kanya,” sabi ng Pangulo,” na huwag mo siyang alisin dahil sangkot siya... Minamanmanan ko siya.”
Hindi na mahalagang isyu ito, ayon kay Sen. Tito Sotto dahil nangyari naman umano ito bago mapatay si Mayor Espinosa.
Napakalaking bagay nito hindi lamang sa pagkamatay niya kundi sa kredebilidad ng kampanya ng administrasyon kontra sa droga na napakarami na ang napatay. Sangkot na pala sa droga si Supt. Marcos, kaya nga siya sinibak ni Dela Rosa, bakit kailangan pa siyang ibalik?
Ang dahilan ng Pangulo ay siyang kinamumuhian niyang marinig. Kapag ito ang ipinaalala, o kaya ay ipinapayo sa kanya sa operasyong kanyang ginagawa laban sa mga sangkot sa droga, nagpipintig ang kanyang tenga at nasisira ang kanyang araw. Kasi, paggalang sa human rights at karapatan sa due process ni Marcos ang kanyang ginawa.
Binigyan niya ng pagkakataon ito nang kanyang ipa-reinstate kay Dela Rosa kahit alam na niyang sangkot sa droga para niya masiguro na wasto ang kanyang pagkakakilala sa kanya. Kaya nga magsasagawa muna siya ng sariling imbestigasyon at mamanmanan niya ang kinikilos ni Marcos habang ito ay gumaganap ng kanyang tungkulin.
Mapalad si Marcos dahil naging ganito ang trato sa kanya ni Pangulong Digong. Hindi naging mapalad ang tatlong heneral na nauna niyang pinangalanan na sangkot daw sa droga. Sinibak niya kaagad ang mga ito at pinaimbestigahan.
Lalong hindi mapalad ang napakarami nang... napatay na karamihan ay dukha. Ang iba ay nasa loob pa ng kanilang barung-barong na nakatirik sa gilid ng estero nang barilin sila ng mga pulis dahil nanlaban umano ang mga ito.
Kung bakit naiiba kay Pangulong Digong si Marcos sa mga umano’y kagaya niyang sangkot sa droga, marahil ay dahil nasa teritoryo niya ang pinagpiitan kay Mayor Espinosa.
Kinampihan pa nga ng Pangulo si Marcos at ang kanyang mga kasama pagkatapos nitong mapatay sa operasyong kanilang inilunsad. (Ric Valmonte)