ANG plano ng Department of Health na mamahagi ng mga condom sa mga pampublikong paaralan sa bansa upang mapigilan ang pagkalat ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa bansa, partikular na sa kabataan, ay posibleng maharap sa kabi-kabilang protesta hindi lamang mula sa Simbahan kundi maging mula sa konserbatibong lipunan sa Pilipinas.
Sa nakalipas na administrasyon, pinagtibay ng Kongreso ang Reproductive Health (RH) Law ngunit pinigilan ang pagpapatupad nito sa loob ng dalawang taon habang tinatalakay ng Korte Suprema ang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad nito. Pinuna ng korte ang walong penal at iba pang probisyon ng panukala ngunit nagdesisyong naaayon ito sa batas.
Isang mahalagang bahagi ng batas ang probisyon na “Comprehensive Sexual Education” (CSE) sa mga eskuwelahan sa bansa.
Isinama na ng Department of Education (DepEd) ang CSE sa K to 12 curriculum, ngunit napaulat na hindi pa nito naitatakda ang minimum standards ng CES na obligadong tuparin ng mga paaralan. Kapag naitakda na ang mga panuntunang ito, dapat na sanayin ang mga guro kung paano ipararating ang mensahe sa bawat edad at grade level sa K to 12.
Tunay na napakahirap nitong ipatupad sa tradisyunal nating lipunan na labis na naiimpluwensiyahan ng Simbahan, na nangangamba sa magiging epekto sa moralidad ng kabataan ng mga lantarang talakayan tungkol sa pagtatalik. Idagdag pa ang planong pamamahagi ng mga condom at tiyak nang mahihinuha kung gaano kalaki ang magiging pagbabago sa nakagisnan na nating kulturang Pilipino sa larangan ng pag-aasawa at pakikipagrelasyon ng lalaki sa babae.
Ang nabanggit na plano ng DoH ay bilang tugon sa taya ng kagawaran na aabot sa 55,000 Pilipino ang mahahawahan ng HIV ngayong taon. Sa dagdag na impormasyon ng National Youth Commission (NYC), sinabi nitong sa 29 na Pilipinong nahahawahan ng nasabing sakit kada araw, mahigit sa kalahati nito ay 15 hanggang 24 na taong gulang. Ang hindi ligtas na pagtatalik, ayon sa NYC, ang pangunahing nagbubunsod sa nakalululang epidemya. Kaya naman ipinanukala ang mas malawakang paggamit ng condom.
Kailangan natin ng opinyon ng mga eksperto sa usaping ito, kasama na ang mga pag-aaral ng mga doktor at mananaliksik.
At sa harap ng kanilang mga tuklas, kailangan natin ng solusyon na magsasaalang-alang sa ating kultura bilang mga Pilipino na may malalim na pagpapahalaga sa pamilya.
Inabot ng dalawang taon bago napagpasyahan ng Korte Suprema ang mga usapin sa legalidad ng RH Law at itatakda pa lang ng DepEd ang minimum standards sa programang Comprehensive Sexual Education. Pagkatapos nito, kailangan pang magsanay ng mga guro, karamihan ay babae at ina, upang epektibong maiparating sa kabataan ang mahahalagang detalye ng maselang paksa.
Maaaring hindi agarang maiuugnay ng DepEd ang pamamahagi ng mga condom sa programa ng kagawaran sa sex education. Sa ngayon, marapat sigurong ang Department of Health muna ang mangasiwa sa bahaging ito ng programa.